PBBM, target magtayo ng 1-M pabahay kada taon para sa mga Pilipino

PBBM, target magtayo ng 1-M pabahay kada taon para sa mga Pilipino

ASAHAN ng mga Pilipino na magiging agresibo ang Marcos administration sa housing program nito upang matugunan ang problema sa pabahay na kinakaharap ng bansa.

Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasalukuyang nasa anim na milyong tahanan ang kulang sa Pilipinas.

Kaya naman ayon sa Chief Executive, gumagawa ng hakbang ang pamahalaan upang maging agresibo ang programang pabahay para sa mga Pilipino.

Ito ang binigyang-diin ng Pangulong Marcos sa harap ng mga Cambodian business leaders sa isang pagpupulong sa Phnom Penh.

“And that is why we have taken on a very aggressive housing program,” ani Pangulong Marcos.

Target ni Pangulong Marcos na magkaroon ng isang milyong low-cost o murang pabahay kada taon.

Maituturing man na ambisyoso ang programa pero seryoso ang kaniyang administrasyon na gawin ito.

“So we are aiming for one million homes, one million low-cost and socialized homes a year. It is an ambitious number but we will try very, very hard,” dagdag ni Pangulong Marcos.

 Kaya naman sa pagpatatayo ng tahanan, kailangan din tiyakin na isang komunidad ang nabubuo rito.

Ipinunto ni Pangulong Marcos kung hindi kasi ito gagawin ng pamahalan ay hindi praktikal na manirahan dito ang publiko.

Kaya kailangan aniya na ang itatayong low-cost housing ng pamahalaan ay may malapit na paaralan, palengke at madali lang ang pag commute lalo na sa mga nagtatrabaho na hindi lalampas sa isang oras.

“Otherwise, it is not practical for people to live there. So there has to be schools nearby, work cannot be farther, commute cannot be more than one hour, there has to be a marketplace, all of this. The transportation is easy to get to,” dagdag pa nito.

Magugunitang inilunsad nitong Setyembre ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program na layung makapagpatayo ng isang milyong abot-kayang bahay kada taon sa loob ng anim na taon o bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos.

Ayon sa DHSUD na nagsisimula na ang pagtatayo ng mga housing sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pati na rin ang paglalagda ng mga memorandum of agreement sa iba’t ibang LGUs para sa pagpatatayo ng mga housing units.

Samantala, nakatakdang lagdaan ni Pangulong Marcos ang executive order na siyang tutugon sa section 21 ng Republic Act 11201 na nag-aatas sa ilang mga ahensiya ng pamahalaan na i-identify ang mga hindi na nagagamit na lupa ng gobyerno para sa housing program ng pamahalaan.

Follow SMNI NEWS in Twitter