PBBM, tiniyak ang sapat na suplay ng bigas

PBBM, tiniyak ang sapat na suplay ng bigas

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa publiko na may sapat na suplay ng bigas ang bansa.

Nabanggit ito ng Pangulo matapos makipagpulong sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) sa Palasyo ng Malacañang nitong Huwebes.

Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na mukhang maganda ang sitwasyon ng suplay ng bigas sa Pilipinas, sabay sinigurado sa mga Pilipino na walang kakapusan sa mga darating na buwan.

Sa ilalim ng DA 2023 Supply Outlook, ang kabuoang suplay ng bansa ay nasa 16.98 million metric tons (MMT), na sapat upang masakop ang demand.

Inilahad naman ni Pangulong Marcos na ginagawa ng kaniyang administrasyon ang lahat para makontrol ang presyo ng staple grain.

“Mukha namang maganda ang sitwasyon natin. Hindi tayo magkukulang sa bigas. At tinitingnan natin lahat ng paraan upang ang presyo ay ma-control natin at hindi naman masyadong tataas,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Gayunpaman, sinabi ng Pangulo na kailangan tiyakin ng gobyerno na ang NFA ay makakapag-build up din ng buffer stocks nito sa ngayon.

“In terms of the general supply for the country, I think we are in good shape. And although we’ll still have to import, our importations have come down. Our agricultural sector is beginning to come back beyond pre-pandemic levels. And so that’s progressing nicely,” ani Pangulong Marcos.

Mababatid na iminungkahi ng NFA ang importasyon ng 330,000 metric tons ng bigas.

Ito’y para i-cover ang inaasahang deficit sa buffer stock ng bansa para sa relief operations ng iba’t ibang ahensiya sa panahon ng kalamidad ngayong taon.

“Magpa-plano kami kung kailangan mag-import, kung kailangan magpahaba, magparami ng buffer stock sa NFA dahil masyado nang mababa. ‘Yun lang ang nakita naming problema, mababa ‘yung buffer stock ng NFA. Kailangan bumili ‘yung NFA para umabot siya ng at least nine days na buffer stock,” dagdag ng Pangulo.

Inilahad din ng Pangulo na mapipigilan ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng bigas kung susubukan na itaas ang rice stockpile ng bansa.

“Kaya’t ‘yun ang hinahanapan namin ng paraan para i-adjust. Siguro ang magagawa natin ay ang pagbili ay hindi bigla. Hindi malaki. ‘Yun lamang, also, you have to remember. This is agriculture, cyclical ito, by season ito,” ayon pa sa Punong Ehekutibo.

Kabilang sa dumalo sa pulong sa Malakanyang sina Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, Undersecretary Leocadio Sebastian, Undersecretary Mercedita Sombilla, Assistant Secretary Rex Estoperez, NFA Administrator Roderico Bioco, Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa, at Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter