PCA: Higit 500K puno ng niyog sa 9 rehiyon sa bansa, apektado na ngayon ng ‘coconut scale insect’

PCA: Higit 500K puno ng niyog sa 9 rehiyon sa bansa, apektado na ngayon ng ‘coconut scale insect’

DAAN-daang libong puno ng niyog sa iba’t ibang panig ng bansa ang nanganganib ngayon dahil sa panibagong banta — at ito ang maliliit ngunit mapaminsalang ‘coconut scale insect’ o mas kilala bilang cocolisap.

Ang mga insektong ito ay kumakapit sa mga dahon, sanga, at bunga ng niyog at unti-unting sinisipsip ang dagta ng halaman. Sa simula’y nagiging dilaw ang mga bahagi ng puno, kasunod ang panunuyo, hanggang sa tuluyang pagkamatay ng mga ito.

Sa pinakahuling ulat ng Philippine Coconut Authority, umabot na sa higit 500,000 puno ng niyog ang kumpirmadong tinamaan ng cocolisap.

Kabilang sa mga rehiyong pinakatinamaan ay ang IV-A, IV-B, V, VII, IX, X, XII, at XIII.

Sa lalawigan ng Quezon, patuloy rin ang pagtama ng peste.

Umaabot sa 1,000 puno ng niyog ang apektado sa Barangay Pandan, Real; at 800 naman sa Barangay Don Juan Vercelos sa bayan ng San Francisco.

Sa isang text message ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr sa SMNI News — agad niyang inatasan ang mga opisyal ng kagawaran na bumaba sa mga apektadong lugar para personal na alamin ang sitwasyon.

‘’I am sending may Undersecretary there and PCA Administrator to see the situation for themselves and bring whatever needed interventions,’’ ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr.

Ayon pa sa kalihim, labis na nakababahala ang lawak ng pinsala sa mga puno ng niyog bunsod ng naturang insekto.

‘’If talagang ganyan karami, yes,’’ saad nito.

Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na hindi pa nito direktang naaapektuhan ang kabuuang produksyon ng niyog sa bansa, lalo’t tinatayang mahigit 345 milyong puno ng niyog ang mayroon sa Pilipinas.

Sa kabila nito, tiniyak ng Department of Agriculture na may nakahanda na itong mga interbensyon, kabilang ang paggamit ng mga inaprubahang pestisidyo upang maagapan ang pagkalat ng cocolisap sa iba pang mga lugar.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble