Peace and Order sa Mexico City, Pampanga, mas paiigtingin pa

Peace and Order sa Mexico City, Pampanga, mas paiigtingin pa

SISIGURADUHIN ni Mayor Rodencio ‘Ruding’ Gonzales ng Mexico City, Pampanga na matatapos at mawawala sa kaniyang administrasyon ang ilegal na droga sa kanilang lugar at masiguro ang kapakanan ng kaniyang mga nasasakupan.

“Nag-usap na kami ng chief of police, kailangan itong aming bayan, para maiwasan ang drugs dito kailangang maging visible ‘yung mga pulis namin sa bawat barangay,” wika ni Mayor Rodencio “Ruding” Gonzales, Mexico, Pampanga.

Matatandaan na nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa higit kalahating toneladang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng nasa P3.6-B sa isang warehouse sa Brgy. San Jose, Malino, Mexico.

Sa ngayon ay ito na ang pinakamalaking halaga ng shabu na nasamsam sa ilalim ng administrasyong Marcos ngayong taon.

Kaya naman nais nito na palakasin pa ang police visibility upang masiguro na wala na talagang makalulusot pa na droga sa kanilang lugar.

Samantala, itinanggi naman ng dating mayor ng Mexico na si Teddy Tumang ang pagkakasangkot nito sa nasabing insidente.

Aniya, hindi na ito ang alkaldeng nakaupo nang maganap ang pangyayari.

“So nahuli po iyon nung Sep 24 (27), nababa tayo sa katungkulan bilang mayor August 25. So hindi na ako ang incumbent mayor that time. Kaya ang dapat talaga na tatanungin doon ay ‘yung incumbent mayor na nakaupo ngayon,” ani former Mayor Teddy Tumang, Mexico, Pampanga.

Umabot na rin sa Kamara ang nasabing insidente kung saan isa sa mga kapatid ni Tumang ang nagmamay-ari ng lupain kung saan nakatayo ang nasabing warehouse sa Mexico.

Nadiskubre ang shabu ng BOC, NBI, at PDEA na galing sa bansang Thailand ang mga ilegal na droga na nakalagay sa isang container at legal diumanong naiproseso mula sa port patungo sa warehouse sa Brgy. San Jose, Malino, Mexico, Pampanga.

Maliban sa peace and order ay tutukan din ng bagong alkalde ang kabuhayan ng munisipalidad sa pamamagitan ng pagtanggal sa red tape sa kanilang bayan.

“Gusto ko rin na tanggalin, alisin ‘yung red tape dito sa bayan ng Mexico. Tulungan ‘yung mga investors para dumami at makatulong ng maraming trabaho sa ating mga kababayan,” dagdag ni Gonzales.

Bukod pa rito ay tutukan din nito ang edukasyon, mga senior citizen, at infrastructure sa kanilang munisipalidad.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter