HINIMOK ngayon ng Social Security System (SSS) ang mga retired pensioner na samantalahin na ang paggamit ng mababang interes ng Pension Loan Program (PLP) nito.
Sa isang pahayag, ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet, ang mga qualified retiree-pensioner ay maaaring humiram ng hanggang tatlo, anim, siyam, o 12 beses ng kanilang basic monthly pension.
Kasama rin ang P1,000 na karagdagang benepisyo o kanilang aggregate monthly pension na may maximum loan amount na P200,000.
Bukod dito, sisiguraduhin ng SSS na ang kanilang net take-home pension ay hindi bababa sa 47.25% ng kanilang aggregate monthly pension.
Ito ay kapag nagsimula na silang magbayad ng monthly amortization para sa pension loan.
Sabi pa ng SSS chief na mayroon ding extended repayment period ang PLP.
Ang unang buwanang amortization para sa mga pension loan ay dapat bayaran sa ikalawang buwan pagkatapos ibigay ng SSS ang loan.