KINONDENA mismo ng Philippine Army ang ginawang pamamaril ng isang CAFGU member sa isang mag-ama sa Negros Occidental nitong nakaraang linggo.
Kinilala ang suspek na si Caa Donan Sucia, nang rumesponde umano ito sa isang tawag sa nangyayaring pag-aamok ng biktima na si John Albert na lasing na lasing sa mga oras na yaon.
Nang kinakausap umano ni Sucia si John Albert bigla na lamang itong naglabas ng itak at bago pa man nakalapit ay pinagbabaril na ito ng CAFGU member.
Paliwanag ni Sucia, self-defense ang kaniyang ginawa dahil sa nalalagay sa alanganin ang kaniyang buhay.
Kasama rin sa napaslang ni Sucia ang ama ni John Albert nang sinubukan nitong lapitan ang CAFGU member at tila may binubunot umano ito.
Dalawang residente ang tinamaan din ng bala at kasalakuyang nagpapagaling sa pagamutan.
Ayon kay Army Spokesperson LTC Louie Dema-ala, hindi nila kinokonsinte ang nasabing mga gawain at agad nila itong pinaimbestigahan para sa kaukulang hakbang at posibleng pananagutan.
“Ongoing na ang investigation ng PNP and the Philippine Army will not tolerate such acts. If found guilty ‘yung CAFGU, then he will suffer the consequences of his actions,” saad pa ni Dema-ala.