NAMAYAGPAG ang Philippines Behrouz Elite Swimming Team (PH BEST) sa 2025 Junior National Championships matapos masungkit ang 6 na gintong medalya, 12 pilak, at 7 tansong medalya sa Rizal Memorial Swimming Pool sa Malate, Maynila.
Bida sa panig ng PH BEST ang Filipino-British swimmer na si Hannah White, na kumamada ng dalawang ginto at tatlong pilak sa 100-meter freestyle, 400-meter freestyle, at 50-meter freestyle sa girls’ 13-year division.
Hindi rin nagpahuli si Ana David sa girls’ 15-year division matapos mag-uwi ng dalawang ginto sa 200-meter freestyle at 200-meter breaststroke, anim na pilak, at isang tanso.
Si Yugo Cabana naman ang namayagpag sa boys’ 15-year class, na may dalawang ginto sa 100-meter at 200-meter butterfly, at tatlong tanso sa iba’t ibang events.
Nagdagdag naman ang Palarong Pambansa qualifier na si Behrouz Mohammad “Madi” Mojdeh ng tatlong silver at isang bronze medalya sa boys’ 14-year division, habang si Annika Quinto ay nakakuha ng dalawang bronze sa girls’ 14-year class.
Bagamat wala ni isa sa mga atleta ang nakapasok sa SEA Age, masaya pa rin ang PH BEST team manager na si Joan Mojdeh [MOCH-deh] at binigyang-diin ang kahalagahan ng unti-unting paghubog sa kabataan sa ganitong uri ng sports.
Nagpasalamat rin si Mojdeh sa mga coaches at mga magulang sa walang humpay na suporta sa programa ng mga kabataang swimmer.