NAGPAALALA ang Philippine Embassy sa Israel sa mga Pilipinong residente at bisita sa Tel Aviv na maging alerto at maghanda para sa posibleng mga pagkaantala sa transportasyon dahil sa gaganaping Tel Aviv Marathon ngayong Biyernes.
Ayon sa advisory na inilabas ng embahada, inaasahang magiging mahirap ang pagbiyahe sa Tel Aviv dahil sa pagsasara ng ilang mga kalsada.
Inaasahan din ang matinding pagsikip ng trapiko, kaya naman hinihimok ang publiko na magdagdag ng oras sa kanilang biyahe upang maiwasan ang anumang pagkaantala.
Inirerekomenda ng embahada ang paggamit ng WAZE app o iba pang navigation apps upang malaman ang mga saradong kalsada at maghanap ng alternatibong ruta.
Pinapayuhan din ang mga pedestrian at cyclist na iwasan ang mga lugar na malapit sa ruta ng marathon para sa kanilang kaligtasan.
Maging alisto at mapagmatyag kung sumasakay ng pampublikong sasakyan tulad ng bus o tren.
Kung hindi malayo ang patutunguhan, tingnan kung puwedeng magbisikleta, mag-electric scooter, o maglakad gamit ang hindi mataong ruta.
Huwag lumapit sa mga Israeli security forces na nakapuwesto sa mga sensitibong lugar at sumunod sa mga tagubilin ng Israeli security forces at ng Home Front Command.