NAKIPAGPULONG si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa cabinet members at heads of government agencies sa Palasyo ng Malakanyang ngayong araw, Marso 14.
Tinalakay sa pulong ang patungkol sa ‘Philippine Fisheries Program’ kung saan, ipinakita ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga hamon ng supply at demand ng isda para sa Fiscal Year (FY) 2023.
Ito ay gaya na lamang ng pagbaba ng huli ng isda, mataas na insidente ng kahirapan at pagkalugi pagkatapos ng ani, na kasalukuyang nasa 25-40% na pagkalugi sa kahabaan ng value chain.
Kasama rin sa tinalakay sa pulong ang mga estratehiya upang mapataas ang produksiyon ng isda sa pamamagitan ng aquaculture sa 10% annually sa loob ng 6 na taon.
Makatutulong ito na makaambag sa seguridad ng pagkain.
Kaugnay rito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagbibigay-prayoridad sa pagtatayo ng mga fish port sa 11 coastal provinces.
Ito ay upang palakasin at bigyan ng kapangyarihan ang mga mangingisda tungo sa katatagan, bawasan ang pagkalugi pagkatapos ng ani sa pamamagitan ng pag-upgrade, pag-aayos, at pagtatayo ng cold storage facilities sa mga fish post sa buong bansa.
Gayundin ang pagbibigay ng yelo at ice making machines sa small-scale fisherfolks, pagbibigay rin ng puspusang pagsasanay, pamamahagi ng mga kagamitan upang mapababa ang post-harvest losses at rehabilitasyon ng 20 natukoy na municipal fish ports na tradisyonal na landing port, bukod sa iba pang mahahalagang prayoridad.
Kasama ni Pangulong Marcos sa pulong sa Malakanyang ang mga kalihim at opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Laguna Lake Development Authority (LLDA) at Cooperative Development Authority (CDA).
Nasa pagpupulong din sina Executive Secretary Lucas Bersamin at Chief Presidential Legal Counsel Secretary Juan Ponce Enrile.