PhilSA, layong maka-acess sa internet ang mga lugar sa kanayunan

PhilSA, layong maka-acess sa internet ang mga lugar sa kanayunan

LAYON ng Philippine Space Agency (PhilSA) na magkaroon ng mas malakas na internet connection ang bansa partikular na ang mga lugar sa kanayunan.

Inilunsad ng ahensya kamakailan ang INCENTIVISE  (Introducing Non-Geostationary Satellite Constellations Test Deployments to Improve Internet Service) program.

Ang naturang programa ay nanawagan sa mga bagong Satellite Internet Operators (SIO) na magsagawa ng test deployments at trials sa Pilipinas.

Ayon kay PhilSA Space Business Development Division Chief Agnes May Bantigue, layon ng inisyatibong ito na mapalawig ang internet accessibility sa mga malalayong lugar ng bansa sa pamamagitan ng satellite broadband.

Target ng ahensya ani Bantigue ang mga kumpanya na nagpapatakbo ng mga satellite na tinaguriang Non-Geostationary Orbit (NGSO) para sa pagbibigay ng internet access.

Ang mga halimbawa ng naturang NGSO SIOs ay ang One Web ng United Kingdom at Starlink ni Elon Musk.

Walang mga lokal na kumpanya na may NGSO technologies sa kasalukuyan.

Saad ng PhilSA malawak ang coverage ng satellite broadband kaysa sa fiber connectivity kung kaya’t maaaring makakonekta sa internet ang mga malalayong lugar.

Hindi naman ani Bantigue competing technologies ang satellite broadband kundi magsisilbi itong complementary technologies.

Makakatulong rin aniya ang naturang proyekto para mapabuti pa ang transfer technology at magbukas ng mga oportunidad para maging parte ang Pilipinas sa “supply chain” ng space technology.

Sinusuportahan ng INCENTIVISE PROGRAM ang Executive Order 127 (Expanding the Provision of Internet Services through Inclusive Access to Satellite Services) sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga karagdagang satellite communications options sa lokal na merkado at maghikayat ng kompetisyon.

Tumatanggap na ngayon ng mga proposal ang PhilSA hanggang sa katapusan ng Oktubre.

Sunod nilang susuriin kung aling satellite internet operators ang itatalaga sa mga partikular na site para sa trial.

SMNI NEWS