PHLPost, nagbaba ng singil sa Trackable Domestic at International Mail Services

PHLPost, nagbaba ng singil sa Trackable Domestic at International Mail Services

INANUNSIYO kamakailan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang bagong promotional rates para sa domestic at international tracked o registered mail services, kabilang ang Express Mail Service, para mas mapababa ang halaga ng serbisyo at mapalakas ang kanilang posisyon sa merkado.

Layunin nitong maging mas abot-kaya ang pagpapadala ng sulat at parcels para sa publiko.

Ayon kay Postmaster General Luis Carlos, ang bagong presyo ay nag-aalok ng mas murang courier services kumpara sa kasalukuyang presyuhan sa merkado. Makatutulong aniya ito sa publiko na makatipid sa gastos sa pagpapadala.

“We are proud to share the benefits of our operational improvements with the public. This new promotion, which significantly reduced the rates of our domestic and International Mail Services, is part of our commitment to better serve our customers and contribute to Filipino communities’ economic well-being,” pahayag ni Luis Carlos, Postmaster General, PHLPost

Dagdag pa ng postmaster general, matagal nang nahihirapan ang publiko dahil sa mataas na presyo ng courier services, lalo na mula sa mga pribadong kumpanya.

“Now, with these new promo rates, we offer them a better choice—one that will enable them to fulfill their mailing needs at a fraction of the cost,”  ayon pa kay Carlos.

Kaya naman ani Carlos na sa pamamagitan ng bagong promo rates na ito, may mas magandang pagpipilian ang publiko na tutugon sa kanilang pangangailangan sa pagpapadala nang hindi mabigat sa bulsa.

Ang bagong singil ay ibabatay sa volumetric weight ng mail at packages, gayundin sa destinasyon ng pagpapadala. Ang mga rate ay mag-iiba depende sa layo at accessibility ng mga lugar.

Halimbawa, ang Domestic Tracked Item na ipadadala sa loob ng National Capital Region (NCR) ay nagkakahalaga lamang ng P25.00 para sa unang 50 gramo. Bukod sa abot-kayang presyo, may tracking information din ito na nagpapakita ng petsa ng pagpapadala’t pagdating sa destinasyon.

Samantala, ang promotional rates naman ng PHLPost para sa international mail service ay ang pinakamababa sa merkado.

Ang pagpapadala ng 1.5 kilo na ordinary mail patungong Japan ay nagkakahalaga lamang ng P1,680.

Nasa P1,254 kung papuntang Singapore. Sa Australia, P1,870. Kung sa Canada, P2,291. Sa United Kingdom naman ay P1,823 at sa United States ay nasa P2,250 lang.

Ang rate naman para sa Domestic ordinary mail o non-trackable items ay kasalukuyang nasa proseso ng pag-apruba ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa International Express Mail Service, ang singil ay nakadepende sa destinasyon. Para sa Australia, nagsisimula sa P444.50 para sa unang 500 gramo at P2,413 para sa unang kilo. Sa United Kingdom, nasa P513.50 sa unang 500 gramo at P3,018 sa unang kilo.

Sa United States naman, P631.50 sa unang 500 gramo at P2,182 sa unang kilo. Para sa Singapore, P240 sa unang 500 gramo at P1,167 sa unang kilo.

Inaasahan ng PHLPost na sa mga mas abot-kayang rates na ito, mas marami ang gagamit ng kanilang serbisyo. Kasabay nito, tiniyak ng ahensiya ang kanilang kahusayan at pagiging maaasahan sa paghawak ng mga mail at parcel.

Para sa kompletong listahan ng bagong promotional rates, maaaring bisitahin ang website ng PHLPost sa www.phlpost.gov.ph.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble