IPINASARA ang Phuket tourist island ng Thailand upang makontrol ang transmisyon ng COVID-19.
Ayon kay Phuket Governor Narong Woonciew, hindi maaaring pumasok sa isla mula Agosto 3 ang mga biyahero mula sa ibang mga probinsya.
Sa provincial order na pinirmahan ni Governor Woonciew, inilatag ng gobyerno ang mas mahigpit na restriksyon sa Phuket tourist island.
Hindi na maaaring pumasok ang mga tao na nasa labas ng probinsya maliban na lamang kung nagbibiyahe ng importanteng kalakal at serbisyong medical.
Ang mga exempted namang pumasok ay kinakailangang fully vaccinated para maipakita sa entry checkpoint.
‘’The new travel rules will restrict movement to Phuket from elsewhere in Thailand, meaning foreign visitors who stay on the island will not be affected,’’ayon kay Tanee Sangrat, Thai Foreign Ministry spokesman.
Samantala, ayon naman sa Department of Disease Control (DDC) Director General Kajornsak Kaewjaras, imo-monitor ng departamento ang sitwasyon ng COVID-19 sa Phuket ng dalawa pang linggo.
Nakontrol naman umano ng Phuket ang transmisyon ng COVID-19 sa isla dahil sa 12,395 dayuhan na bumisita sa isla ay 30 lamang ang natuklasang positibo rito sa sakit.
Dahil sa hakbang na ito, nagiging malabo na rin ang kinabukasan ng Phuket sandbox scheme na inilunsad noong Hulyo 1.