Pila sa public viewing para kay dating Pangulong Noynoy Aquino, mahaba na

Pila sa public viewing para kay dating Pangulong Noynoy Aquino, mahaba na

MAAGA palang mahaba na ang pila  ng mga tao na nais magpakita ng respeto at huling paalam sa dating Pangulong Benigno Noynoy Aquino sa kanyang pagbabalik sa kanyang dating paaralan sa Ateneo de Manila University  sa Quezon City.

Suot ang kulay dilaw na t-shirt, matiyaga nang pumila ang mga tao na nais makapagbigay ng huling paalam at dalangin para sa ating Pagulong Noynoy Aquino na kasalukuyang nakahimlay sa Ateneo de Manila University, Katipunan.

Bitbit ang mga alaala at kagustuhang makapagbigay ng huling respeto sa yumaong si PNoy.

Magsisimula ang public viewing alas 10:00 ng umaga  at magtatapos ito hanggang alas 6:00 ng gabi.

Inaasahan ang pagdating ng iba pang mga kaanak ni PNoy at malalapit na kaibigan sa politika at sa kanilang pamilya.

Bukod sa mga personalidad sa politika, inaasahan rin ang pagdating ng mga kaibigan ni Kris Aquino sa industriya ng showbiz upang magalay ng pakikiramay sa Pamilya Aquino.

Si President Benigno Noynoy Aquino ay ang ikaapat na henerasyon ng mga politiko sa kanilang pamilya: mula sa kaniyang lolo sa tuhod, na si Servillano “Mianong” Aquino, na naglingkod bílang delegado sa Kapulungan ng Malolos.

Ang kanyang lolo, si Benigno Aquino, Sr. na naglingkod naman bílang Tagapagsalita ng Mababang Kapulungan ng mga kinatawan ng Pilipinas mula noong 1943 hanggang 1944; at ang kanyang mga magulang na sina dating Pangulong Corazon Aquino at Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.

Sa kasaysayan, si Aquino ang kauna-unahang pangulo ng Pilipinas na binata at wala pang anak.

Si PNoy ay nahalal sa Kapulungan ng mga kinatawan ng Pilipinas noong 1998 bílang kinatawan ng ikalawang distrito ng Tarlac at muli itong nahalal noong 2001 at 2004 at nagsilbing kinatawan hanggang 2007.

Dahil sa limitasyon ng termino, hindi na siya makakatakbong muli sa halalan ng kinatawan.

Si Aquino ay tumakbo at nahalal sa Senado noong 2007.

Nang pumanaw  ang kanyang ina na si Corazon Aquino noong  Agosto 1, 2009, maraming mga tao ang tumawag kay Noynoy upang tumakbo sa halalan ng pagkapangulo kabílang ang Noynoy Aquino for President Movement (NAPM) na kampanya sa buong bansa upang lumikom ng 1 milyong lagda upang hikayatin si Aquino na tumakbo sa halalan ng pagkapangulo.

Hanggang sa tumakbo at nagwagi si Aquino sa halalang pagkapangulo noong 2010 at nakakuha ng 15,208,678 na boto.

Noong 9 Hunyo 2010, naiproklama na si Noynoy bílang Pangulo ng Pilipinas kasáma si Jejomar Binay bílang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas.

Sila ay naiproklama sa Batasang Pambansa, Quezon City, Kongreso ng Pilipinas.

Sa ilalim ng pamumuno ni Noynoy Aquino, ang rate ng paglago ng GDP ng Pilipinas noong 2012 ay 6.8 porsiyento na sinasabing ikalawang pinakamataas sa Asya.

Ang Fitch Ratings ay nagtaas ng Pilipinas sa “BBB-” with a stable outlook na unang pagkakataong ang Pilipinas ay nakatanggap ng gayong katayuan ng grado ng pamumuhunan sa Pilipinas.

Ang mga pagbuti sa ekonomiya ay sinasabing sanhi ng mga hakbang na isinasagawa ni Noynoy upang pataasin ang pagiging bukás ng pamahalaan at sugpuin ang korupsiyon na muling nagbigay ng pagtitiwalang internasyonal sa ekonomiya ng Pilipinas.

Noong 2013, ang rate ng paglago ng GDP ay 7.2 porsyento mula 6.8 posyento noong 2012 na ang pinakamalakas na dalawang taon ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas mula noong 1950.

Ilan sa mga nakahiligan  ng dating pangulo ay napag-alamang mahilig sa pamamaril o  shooting at bilyar,  subalit sa kasalukuyan, ang paglalaro ng mga video game ang kanyang nagiging libangan dahil hindi na niya magawa ang dati niyang mga libangan.

nakahiligan din ito ang sa kasaysayan, at pakikinig ng musika.

Hindi umiinom ng mga alak si pnoy  subalit siya ay naninigarilyo, at hindi na ito  bago sa publiko. hanggang sa pinaniniwalaan isa ito sa dahilan ng komplikasyon ng kanyang sakit

Namatay siya sa kanyang pagkakatulog dahil sa diabetic nephropathy.

Bagama’t magkaiba man ng pananaw sa politika, nagpaabot rin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte  ng kanyang pakikiramay  at kinilala naman ng Malacañang ang kanyang naging ambag para itaguyod ang bansa.

Kahapon sa panayam kay Kris Aquino, emosyonal na nagpasalamat ito kay Pangulong Noynoy dahil sa kabila aniya ng mga nangyari sa kanilang pamilya at hidwaan, napatawad sya nito at minahal hanggang sa huling hininga  nito.

SMNI NEWS