MAY magandang pasalubong ang pamahalaan mula sa Jakarta, sa pag-uwi sa Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. mula sa ilang araw na pagdalo ng ASEAN Summit sa Indonesia.
“Habang po kami ay nasa Jakarta ay walang tigil po ang aming pagtutok sa sitwasyon na ngayon na ating hinaharap tungkol sa bigas,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ang mahal na presyo at hindi matiyak na kasapatan ng suplay ng bigas ang problemang baon-baon ng Pangulo sa pagdalo nito sa 43rd ASEAN Summit sa Jakarta, Indonesia.
At sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas mula sa summit, panibagong deal sa bigas ang pasalubong ng Pangulo.
Sa bilateral meeting ng Pilipinas at Vietnam, nagkasundo ang dalawang bansa na magkaroon ng 5-year rice importation deal.
Sa ilalim nito, tuluy-tuloy ang pag-angkat ng bigas sa Vietnam.
“We look forward to having a stable framework of collaboration about rice trade for about 5 years,” ayon kay Pham Minh Chinh, Vietnamese Prime Minister.
Dahil dito, mag-uugnayan ang trade at agriculture offices ng dalawang bansa na isapinal ang deal.
“In the Philippines, we have put front this sector as a priority. Our economic planning and transformation and agriculture. Especially in the face of what we anticipate in terms of El Niño, and the drought it brings,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Taong 2008 nang unang magkaroon ng memorandum of agreement (MOA) ang Pilipinas at Vietnam para sa importasyon ng 1.5 million metric tons ng Vietnamese rice mula 2008-2010.
Pero, naapektuhan ito nang maisabatas ang Rice Tariffication Law taong 2019 at hindi natuon sa Vietnam ang pag-aangkat ng bigas ng Pilipinas.
Isa ang Vietnam sa top rice-producing countries sa buong mundo na may 4.84 million metric tons ng rice exports mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.
Katumbas ng US$2.58-B na halaga ng exports.
Sa unang limang buwan ng taong ito, nasa 1.5-M tons ng bigas na ang naaangkat ng Pilipinas sa Vietnam o halos kalahati ng rice exports sa nasabing panahon ang napunta sa Pilipinas.
Oras na maisapinal ang multi-year deal, inaasahan ng pamahalaan ang pag-stabilize sa presyo ng bigas sa bansa.
Mensahe naman ng Pangulong Marcos sa Prime Minister ng Vietnam.
“We hope that can find an agreement so that there will be an exchange in terms of all of that,” ayon sa Pangulo.
Bukod sa rice deal, isinasapinal na rin ng Vietnam at Pilipinas ang mga kasunduan sa maritime cooperation at kapakanan ng mga mangingisda ng dalawang bansa.
Bukod sa Vietnam, napag-usapan din ang bigas sa bilateral meeting ni Pangulong Marcos kay Cambodian Prime Minister Hun Manet.
Nitong buwan ng Mayo, nasa 2,500 metric tons ng Cambodian rice ang naaangkat sa bansa ng pribadong sektor.
“My administration will continue to ensure that our constructive engagements with ASEAN, our Dialogue Partners, and stakeholders serve our national interest and the well-being of the Filipino people,” ani Pangulong Marcos.
Sa paparating na anihan ng palay, inaasahan ni Pangulong Marcos na pansamantala lamang ang price cap sa bigas.
At kung maging stable na ang suplay, nangako ang pangulo na tatanggalin agad ang government interventions sa presyuhan nito sa merkado.