HINDI apektado ang Pilipinas sa bird flu kasunod ng pagkakaroon ng outbreak sa South Korea
Inihayag ng Bureau of Animal Industry (BAI) ng Department of Agriculture na wala pang naitalang kaso ng H5N1 avian influenza sa mga poultry farm sa bansa.
Sa panayam ng SMNI News kay BAI Dir. Reildren Morales sinabi nito na nasa huling namonitor nila na H5N1 sa bansa noong 2017 at pagkatapos nito ay ininuturing na avian flu free na ang Pilipinas.
“Nagkaroon tayo ng kaso noong 2017, afterwards na-recover natin yung status natin as free. Continues yung ating surveillance at wala pa naman tayong nakikitang problema along this line,” pahayag ni Morales.
Sa South Korea, nagdeklara ang kanilang gobyerno ng outbreak dahil sa bird flu.
Humigit-kumulang 427,000 manok ang kinatay ng South Korea Quarantine bilang pag-iingat matapos ang paglaganap ng naturang virus sa dalawang sakahan.
Dagdag pa ni Dir. Morales na may nakahanda na silang protocol sa sandaling muling makapagtala sila ng avian flu sa bansa.
“Meron tayong avian influenza protection program, so may mga protocol in place. So, we will just execute yung protocol para doon sa pag-arrest ng situation if ever magkaroon tayo ng ganyan kaso. So, we have this AIPP (Avian Influenza Protection Program) as we call it as way back, I think 2007,” ani Morales.
Patuloy aniyang pangongolekta ng sample mula sa mga manok sa buong taon para manitor ng lubusan ang sitwasyon ng poultry sa bansa.
Mayroon din silang reporting system katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Nagsasagawa rin ng accreditation system ang ahensya sa mga poultry farms at istriktong dumadaan sa screening ng diseases ang lahat ng manok.
Sinabi pa nito, walang dapat ikabahala ang publiko sa pagbili ng mga manok sa merkado dahil hindi naman aniya umaangkat ang bansa ng karne ng manok sa South Korea.
Samantala, patuloy rin ang ginagawang inspeksyon ng Bureau of Animal Industry sa mga slaughter house upang maiwasan ang pagkakaroon ng swine flu fever sa mga karneng baboy.
Sa kasalukuyan, wala pang naitalang swine fever sa mga baboy, pero ilang paalala ang DA para sa mga hog raiser at mamimili.
“So, ngayon ang hinihingi natin sa mga mamimili ay siguraduhin na ang binibili ninyong karne ay dumaan sa inspection. So, may seal ng National Meat Inspection Service at ‘iyan ay nakatinda doon sa tamang tindahan hindi yung nakalako lang karne o may nagtayo ng lamesa sa isang sulok sa barangay, kaya ito yung hinihingi natin sa ating mga consumer o iyong mga mamimili,” ani Morales.
Dagdag paalala ni BAI Dir. Morales sa publiko na ang importante sa pag-aalaga ng manok ay ang mapanatiling malinis ito at tiyaking hindi nasasama yung ibang uri ng hayop tulad ng aquatic bird dahil pupuwedeng doon mahawa ng flu ang mga manok Pilipinas.