Pilipinas, magiging host ng Artistic Gymnastics Junior World Championships

Pilipinas, magiging host ng Artistic Gymnastics Junior World Championships

NAPILING host country ang Pilipinas sa Artistic Gymnastics Junior World Championships na gaganapin mula Nobyembre 15 hanggang 24 sa Marriott Grand Ballroom, Taguig City, ayon sa opisyal na pahayag mula sa Fédération Internationale de Gymnastique, ang pandaigdigang tagapamahala ng gymnastics.

Ayon sa Gymnastics Association of the Philippines (GAP), dumaan sa masusing proseso ang aplikasyon ng bansa upang makuha ang hosting rights.

Lahat ng kalahok at opisyal na tinatayang aabot sa pitong libong (7,000) delegado ay mananatili sa Resorts World Manila na direktang konektado sa competition venue.

Kabilang naman sa pambato ng Pilipinas sa nasabing torneyo ang nakababatang kapatid ni double Olympic gold medalist Carlos Yulo na si Karl Eldrew, na kamakailan lang ay nag-uwi ng silver medal sa Asian Championships sa South Korea.

Ito ang unang pagkakataon na magho-host ang Pilipinas ng isang world-level gymnastics event — isang makasaysayang hakbang para sa larangang patuloy na nagbibigay ng karangalan sa bansa.

Samantala, isa namang pangarap ang nais abutin ni Carlos Yulo, ang makasabayan sa kompetisyon ang nakababatang kapatid na si Karl Eldrew sa 2028 Los Angeles Olympics.

Ito ay kasunod ng pagtanggap ni Karl Eldrew ng Olympic Solidarity scholarship mula sa International Olympic Committee, kapareho ng tinanggap ni Carlos noong 2017.

Isang hakbang ito sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino sa larangan ng gymnastics.

Kakaibang kuwento rin ang pagkaka-coach ni Karl Eldrew ngayon, dahil siya ay sinasanay ni Munehiro Kugimiya, ang dating coach mismo ni Carlos — na naging malaking bahagi ng kanyang tagumpay sa internasyonal na entablado.

Habang patuloy ang paglalakbay ng magkapatid sa mundo ng gymnastics, umaasa ang sambayanang Pilipino na matutupad ang kanilang hangaring magkasama sa susunod na Olympics.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter