PINAGTIBAY ng administrasyong Marcos ang commitment nito sa World Health Organization (WHO) na higit pang palakasin ang mga pagsisikap para sa pagkontrol ng paggamit ng tabako sa bansa.
Nabanggit ito ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Dominic Guevara sa kaniyang talumpati sa ginanap na 10th Conference of the Parties to the World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control sa Panama.
Binanggit ni Guevara na ang Pilipinas ay nakagawa ng kapansin-pansing pag-unlad sa pagpapatupad ng WHO Framework Convention on Tobacco Control.
Iniulat aniya ng Philippine Global Adult Tobacco Survey (GATS) ang makabuluhang pagbaba sa paggamit ng tabako sa 19.5 porsiyento noong 2021, mula 23.8 porsiyento noong 2015.
Inilahad ni Guevara na pinalakas ng pamahalaang Pilipinas ang multi-sectoral national strategy sa tobacco regulation kasama ang Tobacco Regulation Coordinating Mechanism ng gobyerno.
Binigyang-diin ng opisyal ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11900, o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.
Ang naturang batas ay nagtatag ng isang regulatory framework para sa pag-import, pag-manufacture, pagbebenta, packaging, distribusyon, paggamit, at komunikasyon ng vaporized nicotine at non-nicotine products at iba pang novel tobacco products.
Sa ilalim din ng RA 11900, pinaprotektahan ang mga menor de edad sa pamamagitan ng paghihigpit sa pagbebenta, kabilang ang online trade, pati ang pamamahagi at pag-market ng mga produktong ito.
Ipinagbabawal din ang mga aktibidad na may kaugnayan sa produktong tabako sa loob ng 100 metro ng mga paaralan, palaruan, at pasilidad na madalas puntahan ng mga menor de edad.
Ibinahagi rin ni Guevara na nakakuha ang gobyerno ng US$3 bilyon mula sa ipinatupad na excise taxes sa tobacco at vapor products noong 2022.
Ang nalikom na halaga ay ginamit para sa mga mahahalagang serbisyo ng gobyerno tulad ng universal healthcare at COVID-19 recovery initiatives at iba pang infrastructure projects.
Samantala, kasalukuyang nasa proseso rin ang Pilipinas para sa pagpapatibay ng batas na pinamagatang ‘Anti-Agricultural Economic Sabotage Act’, na nagdedeklara sa tobacco smuggling bilang economic sabotage.