POSIBLENG bibili ng Avian Flu vaccine mula sa bansang Czech Republic ang Pilipinas.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang tatlong araw na state visit sa naturang bansa dahil sa imbitasyon ni Czech Republic President Petr Pavel.
Ani Marcos, dahil malapit na ring ma-develop ang bakuna para sa swine flu sa Czech ay posible ring bibili ang Pilipinas dito.
Aniya, mayroong mga teknolohiya ang Czech Republic na makagawa ng gamot para mapahusay ang pag-aalaga ng mga hayupan.
Samantala, inanunsiyo rin ni President Pavel na bibisita rin sa Maynila sa susunod na linggo ang Minister of Agriculture ng Czech Republic.
Ito’y para mapalakas ang ugnayan ng dalawang bansa hinggil sa food security.
Kabilang sa mga aktibidad na isasagawa sa pagbisita ng Czech official ang pagkakaroon ng business forum katuwang ang Department of Agriculture (DA) ng Pilipinas at pagbisita sa Tagum Agricultural Development Company, Inc. (TADECO).