Agri officials ng Czech Republic, bibisita sa Pilipinas sa susunod na linggo

Agri officials ng Czech Republic, bibisita sa Pilipinas sa susunod na linggo

NAKATAKDANG bumisita sa Maynila si Czech Agriculture Minister Marek Výborný sa susunod na linggo upang magtatag ng kooperasyon na susuporta sa mga hakbangin para sa seguridad ng pagkain ng Pilipinas.

Ang pagbisita ay naaayon sa hangarin ng pamahalaang Pilipinas na palawakin ang pakikipagtulungan sa Czech Republic pagdating sa food security.

Sa isang joint press conference, sinabi ni Czech President Petr Pavel na magsasama sila ng isang delegasyon ng mga negosyante upang magpakita ng interes sa pamumuhunan sa agrikultura at iba pang pangunahing sektor.

Ang mga sektor na ito ay kinabibilangan ng defense industry, manufacturing, farming at agriculture, science, technology, energy sector, at power sector.

Saad ng Czech President, marami sa mga negosyong ito ay may partikular na mga plano para sa hinaharap para sa pakikipagtulungan sa Pilipinas.

Makikipagpulong si Minister Výborný kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel at pamumunuan din ang business forum na gaganapin sa Makati sa Marso 21, 2024.

Ang grupo ay bibisita rin sa Davao para sa isang business forum.

Magkakaroon din sila ng farm visit sa Tagum Agricultural Development Company, Inc. (Tadeco) sa Davao.

Ang Czech Republic ay isa sa mga kasosyo ng Pilipinas na nagbigay ng tulong sa pagsusuri at pagpapabuti ng mga value chain sa industriya ng pagawaan ng gatas ng Pilipinas.

Pinagbigyan ng Czech Aid-for-Trade ang panukala ng National Dairy Authority (NDA) na pondohan ang technical exchange ng mga eksperto.

Ang inisyatiba na ito ay naaayon sa limang taong programa ng DA na itaas ang produksiyon ng gatas sa bansa mula sa isa hanggang 10 porsiyento.

Nakumpleto ng NDA ang dalawang proyekto sa pakikipagtulungan sa Czech Republic katulad ng Expert Assistance on the in-depth Analysis of the Supply Chain of the Philippine Dairy Industry na isinagawa noong 2018; at ang Strengthening Capacities of Dairy Farmers and Extension Workers project na isinagawa noong 2019.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble