Pinaka-unang 12-storey medium-rise public school building, itatayo sa Cebu City

Pinaka-unang 12-storey medium-rise public school building, itatayo sa Cebu City

PINAKAUNA sa Pilipinas ang 12-storey medium-rise public school building na nakatakdang itayo sa Cebu City.

Araw ng Huwebes, Enero 30, ay isinagawa ang groundbreaking ceremony sa Don Vicente Rama Memorial National High School, sa Basak San Nicolas, Cebu City.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan mismo ni Cebu City South District Congressman Edu Rama, na siyang nanguna sa pagsusulong upang mapondohan ng gobyerno ang naturang proyekto.

“Sa loob lamang ng dalawang taon bilang Congressman, natutuwa ako na ang siyudad ng Cebu ay mayroong unang proyekto sa buong Pilipinas. Isa sa mga nauna… kasi ang isa sa Bacoor. Pero tayo ang unang nag-groundbreak, tayo ang unang nakatugon. Ito ang pinakauna sa buong Pilipinas. At least maipagmamalaki natin na ang unang Medium Rise School Building sa buong Pilipinas… ay nandito sa Cebu,” saad ni Rep. Edu Rama, South District, Cebu City.

Dumalo sa naturang groundbreaking ceremony sina Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan, DBM Secretary Amenah F. Pangandaman, at mga pangunahing lokal na opisyal ng DPWH at DepEd.

Ayon kay Congressman Edu Rama, ang naturang development ay maikokonsiderang isang makasaysayang mahalagang yugto at isang pangmatagalang pamana para sa mga Cebuano.

Sa buwan ng Marso, sisimulan na ang konstruksiyon ng 12-storey building na maglalaman ng 42 classrooms at 9 na workshop rooms na nakalaan lamang para sa mga junior at senior high school na mag-aaral sa Cebu City South District.

Target itong matapos sa buwan ng Disyembre sa pamamagitan ng 24-hour construction shifting.

Aabot sa 1,900 hanggang 2,000 na mag-aaral ang maaaring ma-accommodate sa isang shift, at karagdagang 450 na mga mag-aaral ang makakagamit ng 9 na laboratories/workshop rooms sa isang oras na klase sa science subject.

Batay sa enrollment para sa taong 2023-2024, ang Don Vicente Rama Memorial National High School ay may 4,878 na naitalang bilang ng mag-aaral at sa kasalukuyan, mayroong 4,490 na nag-aaral dito.

Karamihan sa mga mag-aaral ay nagmumula sa Basak San Nicolas, Basak Pardo, at Quiot Pardo, habang ang ilan ay nagmumula sa Brgy. Poblacion Pardo, Bulacao Pardo, Kinasangan, Punta Princesa, at Mambaling.

Ayon sa datos ng DepEd, ang Central Visayas ay kabilang sa mga rehiyon na may pinakamataas na kakulangan sa silid-aralan sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble