Planong ibalik sa NFA ang mandato sa pagbebenta ng murang bigas, dapat pag-aralan upang hindi maulit ang anomalya—agri group

Planong ibalik sa NFA ang mandato sa pagbebenta ng murang bigas, dapat pag-aralan upang hindi maulit ang anomalya—agri group

NASA P300-P350 lamang ang budget ni Jomar tuwing namimili siya noon ng bigas sa merkado na konsumo niya sa loob ng isang linggo.

Pero, ngayon ay hindi na kasya ang nasabing halaga dahil sa napakamahal ng kilo ng bigas na hindi na nga aniya gaanong umaabot ng isang linggong konsumo nito.

‘‘Ngayon, hindi na kaya eh tatlong araw hanggang apat lang na araw. Minsan, tipid na lang hirap kasi magkano lang minimum ngayon mababa eh, okay sana kung magdagdag ng sahod,’’ ayon kay Jomar, mamimili.

Aminado ang tinderong si Alfonso na hindi pa gaanong nagmumura ang bigas na kanilang ibinibenta sa Commonwealth Market dahil sa mahal din na kuha o puhunan.

Para sa kaniya, malabo talagang maibaba lang kahit hanggang P40 ang kada kilo nito.

‘‘Maaaring hindi po kaya talaga dahil sa sobrang mahal ng bilihin ng pataba, kaya mahirap ibalik agad, medyo mataas ang puhunan,’’ pahayag ni Alfonso, tindero ng bigas.

Kung maalala, sabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong taon lamang sa ilalim ng administrasyong Marcos ay naitala ang “all time high” na presyo ng bigas sa loob ng 15 taon.

Sa ngayon kasi naglalaro pa rin sa P48/kg hanggang P66/kg ang presyo ng lokal na bigas sa merkado at hindi naman nalalayo rito ang presyuhan ng imported na bigas.

Sabi ng Federation of Free Farmers (FFF) Cooperatives, hirap ngayon ang pamahalaan na maibaba ang presyo ng bigas sa bansa lalo’t posibleng mas lumala pa ang kakapusan sa suplay ng bigas dahil sa epekto na rin ng El Niño na nakaapekto sa presyuhan sa merkado.

Kung kaya’t, isinusulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) partikular na maibalik sa National Food Authority (NFA) ang mandato sa pagbebenta ng murang bigas lalo na sa panahon emergency o mataas na presyo.

Bagay namang suportado ng Agriculture Department (DA).

‘‘NFA and DA can intervene doon sa market. Ang gusto lang natin mapag-aralan ano iyong presyo na hindi rin malulugi ang NFA at makakapagbigay tayo ng ating pamahalaan ng murang bigas para sa ating mga kababayan lalo na kung talagang masyadong mahal or kung mayroong emergency situations,’’ ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Kasunod na rin ito nang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos na sisertipikahan as urgent niya ang pag-amyenda sa RTL.

Para kasi kay Pangulong Marcos ilan ito sa nakikitang niyang solusyon sa problema sa mataas na presyo ng bigas sa merkado.

‘‘The government can influence or control rice prices if amendments to the Rice Tariffication Law are introduced, particularly in buying palay and selling rice to the public,’’ saad pa ni Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Republic of the Philippines.

Pero, hindi na ito gaya ng dating presyuhan ng NFA rice na mabibili noon sa halagang P25 kada kilo.

Nais kasi ng DA na ibenta na ito ng humigit-kumulang P40/kg depende sa presyong umiiral sa merkado at naayon sa bagong guidelines ng NFA sa paglalabas ng suplay ng bigas.

‘‘Kung iyong stocks ng NFA ay three months hanggang below six months. Ang magiging presyuhan ay 20 percent lower than the prevailing market price na na-monitor ng PSA. Halimbawa, kung P50 ang na-monitor na price minus 20 percent. So that’s minus P10, so ang bentahan is 40 pesos, so kung more than six months naman at puwede pa ay 30 percent lower. Win-win solution ito ng kagawaran na hindi nalulugi ang NFA at the same time mas mura iyong bigas,’’ ayon pa kay Asec. De Mesa.

Bagama’t suportado ito ng FFF, pero kailangan itong pag-aralan ng mabuti ng pamahalaan upang maiwasan ang pananamantala sa suplay at presyo ng bigas.

‘‘Well, maganda ang intensiyon no kasi marami na ang nahihirapan na mamimili sa mahal na bigas pero pag-aralan ng mabuti ang implications niyan. Unang-una ‘yung budgetary implications kasi kung magpapalugi na naman ang gobyerno magkano na naman ang kakailangang pondo niyan kakayanin ba ng gobyerno? Pangalawa, pag-aralan ng mabuti ang distribution systems kasi ang nangyari noon ang napupunta sa private sectors ‘yung bigas pinaghahalo nila sa commercial rice no maraming puslit at baka ‘yung hindi naman kailangang subsidies rice ay makakabili pa rin.’’

‘‘Kasi sa ngayon powerless ang NFA at to some extend ‘yung government to prevent ‘yung profiteering, hoarding at tsaka pati sa pagmo-monitor ng mga stocks ng bigas kasi tinanggal lahat ‘yan ng RTL. So, there’s a need to somebody to, they will do some monitoring and regulations ng market,’’ saad pa ni Raul Montemayor, National Manager, FFF.

Ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ay suporta ang panukalang amyendahan ang RTL.

Dapat lang daw’ng itaas na ang alokasyon ng pondo sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa P30 bilyon mula sa kasalukuyang P10 bilyon na makatutulong pang husto sa insutriya.

“We welcome the certification of the President of the RTL extension. SINAG is proposing to increase the fund allotment from Php 10 billion pesos year to Php 30 billion pesos year so more public support can be given to our rice farmers and the local rice industry,’’ pahayag ni Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.

Ang nasabing pondo raw ay ilalaan para sa binhi, machineries, post production facilities, water impounding projects at marami pang iba.

Sen. Cynthia Villar: Hindi pa naipapakita ng NFA ang kakayahan na pangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka at mamimili ng bigas

Marami man ang nagpahayag ng suporta sa planong amyendahan ang RTL pero iba ang paninindigan ni si Sen. Cynthia Villar na siyang principal author ng naturang batas.

Posible kasi itong pagmulan na naman ng anomalya.

‘‘Nakita mo na ang ginagawa ng NFA last time kasabwat sila ng middleman na minamahalan nila ang bigas,’’ ayon naman kay Sen. Cynthia Villar, Chairperson of the Senate Committee on Agriculture.

Giit ng senadora, dapat mas gawing urgent ang pagpasa Anti-Agricultural Economic Sabotage Law upang kontrolin ang mga middlemen at trader na nagdudulot ng hirap sa mga magsasaka at mamimili.

Buwelta niya sa National Food Authority (NFA) hindi pa nga nila naipapakita ang kakayahan na pangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka at mamimili ng bigas.

‘‘The NFA has not proven itself to be taking care of the welfare of the rice farmers and the consumers,’’ dagdag pa ni Sen. Villar.

Matatandaan, naging kontrobersiyal ang umanoy maanomalyang pagbebenta ng NFA ng bigas sa ilang piling negosyante sa presyong dehado ang gobyerno na humantong sa pagkasuspinde sa ilang matataas na opisyal at empleyado ng NFA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble