Sen. Cynthia Villar, bumuwelta sa mga nais amyendahan ang Rice Tariffication Law

Sen. Cynthia Villar, bumuwelta sa mga nais amyendahan ang Rice Tariffication Law

HINDI sang-ayon si Senate Committee on Agriculture Chair Cynthia Villar sa panawagan ng Department of Agriculture (DA) at ng Kamara de Representantes na amyendahan ang Rice Tariffication Law.

Ikinababahala ng senadora na siyang may akda ng nasabing batas na sa pag-amyenda rito ay magresulta sa kurapsiyon.

“Minsan ‘di nila naiintindihan eh nagsasalita sila,” pahayag ni Sen. Cynthia Villar, Chair, Committee on Agriculture.

Pumalag si Sen. Cynthia Villar sa pinakahuling tangka na amyemdahan ang Rice Tariffication Law (RTL).

Sa Kamara kasi ay nais ni House Speaker Martin Romualdez na amyendahan ang nasabing batas upang ibalik ang kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) na magbenta ng bigas.

Sa isang House briefing kamakailan, una na ring nanawagan si DA Undersecretary Christopher Morales sa mga mambabatas sa Kamara na ibalik sa NFA ang kapangyarihan na mag-import ngunit sa ilalim ng ilang partikular na kondisyon.

Ngunit ang mga nasabing partikular na kondisyon ay hindi nabanggit.

Paliwanag ni Villar, tinanggal nila ang kapangyarihan ng NFA matapos ang imbestigasyon sa Senado na walang nagawa ang NFA para maparami ang suplay ng bigas mula sa lokal na produksiyon at mapababa ang presyo nito sa merkado.

Sa halip aniya, nasangkot pa sa katiwalian ang NFA dahil sa traders nila ibinebenta ang mga imported rice sa halip sa lokal na pamahalaan at ahensiya ng gobyerno.

Paliwanag ni Villar na ang solusyon ng kaniyang ginawang batas ay hindi base sa pansariling obserbasyon.

Ito ay base aniya sa resulta ng pag-aaral ng Philippine Institute of Development Study.

Banat pa ng senadora, minsan ay nagsasalita agad ang mga bumabatikos sa RTL nang hindi naiintindihan ang mismong batas.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble