KINUMPIRMA ni acting Bureau of Corrections (BuCor) Director Gregorio Catapang Jr. na posibleng maisampa na nila bukas o sa susunod na linggo ang kasong plunder laban kay dating BuCor chief Gerald Bantag.
Ito anya ay kaugnay sa kuwestiyonableng pagpapalabas ng pondo para sa construction ng mga prison facilities na nagkakahalaga ng ₱1 billion.
Sinabi ni Catapang na hawak na nila ang mga ebidensya na magpapatunay na nailabas na ang ₱300 million na bahagi ng pondo kahit hindi pa tapos ang proyekto.
Natapos na rin anya ang kanyang pakikipag-pulong sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para plantsahin ang paghahain ng kaso laban kay Bantag.
Sisilipin din ng AMLC ang bank accounts ni Bantag at ng kanyang pamilya para malaman kung nailipat ang bahagi ng 300-million pesos na pondo na inilaan sana sa proyekto.