SA muling pagbubukas ng session ng Senado ay ipinasa nito sa huling pagbasa ang panukala na magpapalakas sa Anti Money Laundering Act (AMLA) ng bansa at para mapigilan ang anumang financing activities ng mga terorista.
Ilan sa mga mahahalagang provisions sa ilalim ng Senate Bill No. 1945 or the proposed Strengthening the Anti-Money Laundering Act na nakapaloob dito ay ang pagpapalakas ng investigative powers ng Anti Money Laundering Council.
Ang AMLC ay maaari na ring mag-implement ng mga targeted financial sanctions. Maaari na rin itong mag-preserve, mamamahala o magdispose ng asset.
Sa ilalim din ng ipinasang amendment, sakop na ng AMLA ang offshore gaming operators at ang kanilang service providers na accredited at regulated ng Philippine Amusement and Gaming Corporation or any government agency para mapigilan ang anumang money laundering sa mga casino.
Ayon kay Sen. Grace Poe na siyang author ng batas ang pagpasa ng Senado sa panukala ng pagpapalakas ng AMLA ay makatutulong para hindi mapabilang ang bansa sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF) on Money Laundering kagaya ng Albania, Pakistan, Panama, Syria, Uganda, and Zimbabwe.
Maliban dito ay ipinasa rin ng Senado sa huling pagbasa ang panukala na magbibigay ng sampung taong extension sa lifeline rate sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Acts of 2001.
Sa ilalim ng panukala ay muling maipagkakaloob ang subsidiya o discount sa mga mahihirap na power consumers sa loob ng sampung taon.
Ang mga marginalized end users na makikinabang sa lifeline rate ay ang mga benepisyaryo ng 4Ps o ang mga konsumer na nagkokonsumo ng average na 100 kilowatt hours ng kuryente kada buwan.
Samantala, perfect attendance ang mga senador sa muling pagbubukas ng session ng Senado kung saan pito ang physically present at labing anim naman ng senador ang virtually present.