PINAPLANTSA at kinukumpleto na lang ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga dokumentong kaugnay sa ihahaing kasong plunder o pandarambong laban sa suspendidong hepe ng BuCor na si Gerald Bantag.
Sinabi ni BuCor Officer-in-Charge Gregorio Catapang Jr. na target nilang maihain ang plunder case laban kay Bantag at sa iba pang mga kasabwat nito bago matapos ang taon o kaya naman ay sa unang bahagi ng 2023.
Inamin naman ni Catapang na humingi na siya ng legal opinion at tulong kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nangako naman aniya na susuportahan siya ng Department of Justice.
Ikinakasa ang plunder case laban kay Bantag kaugnay sa nadiskubreng proyekto ng BuCor na binayaran na ng halos 100% pero 60% pa lang ang natapos.
Nabatid na pinondohan ng P1-B ng BuCor ang tatlong gusali na itinatayo sa Davao Penal Colony, Palawan, Leyte, at ang Women’s Correctional sa Mandaluyong City.