SA inilabas na datos ng Philippine National Police (PNP), umabot na sa mahigit P43.8B halaga ng ilegal na droga ang nasamsam mula sa mga operasyon ng pulisya sa ilalim ng Marcos Jr. administration mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 17 ngayong taon.
Bagay na ipinagmamalaki nila at ikinumpara pa sa nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilalim ng kaniyang War on Drugs campaign kung saan nakarekober ito ng P29.4B na halaga ng ilegal na droga.
Pero tila hindi umano naiintindihan ng PNP ang konsepto ng mga datos ng Marcos Jr. administration kumpara noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, ang mataas na datos ng mga narekober na ilegal na droga ng gobyernong Marcos Jr. ay nangangahulugang maluwang ang pamahalaan kaya talamak, laganap, at walang takot ang mga drugista sa paggamit, pagtutulak, at pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot.
“Kung totoo na dumami ang mga narirekober na ilegal na droga, ibig sabihin mas maluwang, marami ang nakakapasok, kaya ang mga addicts ay nagbalikan kasi marami silang sources eh. Marami silang mapagkukunan kaya lumalala ang drug trafficking situation sa ating bansa,” saad ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Dagdag pa rito, ang nasabing datos ng PNP ay lalong nagpapatunay na hindi nababantayan ng mga awtoridad ang mga pumapasok na ilegal na droga hindi tulad noong kay dating Pangulong Duterte na hirap makapasok at mag-operate ang mga sindikato ng ilegal na droga sa bansa.
“Lalong nakumpirma na maluwag sila, kasi mas malaki ang nasasabat nila, mas malaki ang nakakapasok kasi maluwag ka, hindi nababantayan. Noon kaunti dahil istrikto noon kaya nahihirapan silang makapasok,” ani Panelo.
Bahagi ng ipinagmamalaki ng pamahalaang Marcos Jr. ang drug haul sa Alitagtag, Batangas noong Abril 2024.
‘Yun nga lang at hanggang ngayon, wala pa ring napapanagot rito—kung sino ang nasa likod ng mahigit P9B halaga ng shabu na tanging drayber lang ng van ang nahuli ng mga awtoridad.
Ngayong mahigit isang taon na ang nakalilipas, nananatili pa rin ang katanungan —sino ang supplier ng malaking bulto ng ilegal na droga na ito at para kanino ang nasabing mga kontrabando?!