DAPAT patunayan ng Philippine National Police (PNP) na walang dapat ipangamba ang mga Pilipino dahil sa mga napababalitang serye ng pagdukot.
Ito ang komento ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa panayam ng SMNI News hinggil sa pahayag ng PNP na huwag masyadong magpapaniwala sa mga pekeng balita ukol sa ‘white van’.
Ipinagmamalaki naman ni Sen. Bato na sa panahon ng kanyang pamumuno sa PNP sa ilalim ng administrasyong Duterte ay naramdaman ng mga tao ang seguridad dahil sa tapang na ipinapakita ng dating Pangulo.
Umaasa si Sen. Bato na ganoon din ang maramdaman ng mga tao sa panahon ng pamamahala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Hinikayat din ni Dela Rosa ang PNP na huwag nang maghintay ng marching order mula sa Pangulo dahil mayroon na silang template na susundin sa pagmaintain ng peace and order.
Sinabi rin ni Dela Rosa na maaga pa para husgahan ang nasa katungkulan at hinikayat ang mga Pilipino na suportahan ang PNP.