IBINIDA ng Philippine National Police (PNP) ang mga bagong sasakyan at kagamitan bilang bahagi ng pagpapalakas sa kanilang pwersa kontra krimen at iba pang programa.
Pinangunahan ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. ang presentasyon sa mga bagong sasakyan at kagamitan ng PNP na ginanap sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon sa PNP, malaking tulong ito sa mas pinalakas at pinalawak na operasyon nito sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mahigit isang bilyong piso ang inilaang pondo ng PNP sa mga bagong kagamitan na ito.
Ayon sa pulisya, magiging katuwang ito ng peace and order campaign sa buong bansa.
Bukod sa land-based facilities and equipments, bumili rin sila ng high-speed tactical watercraft para sa PNP maritime unit na makatutulong sa sea capability at proteksiyon sa sobereniya ng bansa.
Ani Azurin, nakatakdang ibigay ang 2 tactical watercraft na ito sa Regions 1 at 2 para sa mas mabilis na sea at naval response lalo na tuwing may pagtama ng kalamidad sa nasabing mga rehiyon.
“Ilan pa sa mga bagong kagamitan na ipakakalat sa buong bansa ay ang mga motorsiklo, personnel carrier, pistol, assault rifle, at handheld radio at utility trucks sa ilalim ng Capability Enhancement Programs (CEP),” ani PGen. Rodolfo Azurin Jr., chief, PNP.
Tiniyak ng pamunuan ng PNP na mas lalo pang magagampanan ang mandato ng mga kapulisan sa publiko sa pamamagitan ng pagpapaganda ng kanilang pasilidad at suporta sa mga tauhan nito partikular na sa maayos at ligtas na mga komunidad sa bansa.