KASUNOD ng matagumpay na pagpapalit ng administrasyon, agad na nagpahayag ng kanilang suporta ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) para sa administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Malaki ang papel na ginampanan ng PNP sa kapayapaan at kaayusan ng bansa mula sa pagsisimula ng Duterte administration hanggang sa pagtatapos nito.
Isa ang PNP sa mga nakinabang at kasama sa mga prayoridad ng pamahalaan.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na mas malakas na ngayon ang PNP dahil sa suporta noon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ngayon, kasunod ng matagumpay na inagurasyon sa bagong administrasyon, nangako ang PNP para sa isang maayos na ugnayan at relasyon sa pagitan ng kanilang hanay at ng Marcos administration.
Sa kanyang pahayag ngayong araw, buong pusong inalay ni PNP OIC LtGen. Vicente Danao ang kanilang puwersa para sa mas mapayapa pang pamahalaan.
Tiniyak rin ni General Danao ang ligtas na pamayanan mula sa banta ng kriminalidad mula sa mandato ng bagong Pangulo.
Matatandaang sa kanyang inaugural speech, isa sa mga nabanggit ni PBBM ang ipagpatuloy ang mga magagandang programang sinimulan ng dating administrasyon partikular na sa usapin ng insurhensiya, banta sa seguridad at terorismo.
Bagama’t nananatili pa rin ang iilang problema, pero aminado ang PNP na hindi na ito ganun kalala mula nang pamunuan, suportahan at paigtingin ang peace and order ng bansa.