NAGDAGDAG ng puwersa ang Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na patuloy na may panggugulo ng CTG.
Nakaalerto ngayong araw ang Pambansang Pulisya sa pagdiriwang ng anibersaryo ng New People’s Army (NPA).
Ayon sa Philippine National Police (PNP), kahit lumpong-lumpo na ang CPP-NPA-NDF dahil sa naging hakbang ng pamahalaan laban sa kanila ay hindi pa rin sila magpakakampante sa posibleng mga patraydor na pag-atake ng communist terrorist group (CTG).
Pagbibigay-diin pa ni PCol. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, maliban sa nakaalerto na sila ay nagdagdag din sila ng puwersa sa mga liblib na estasyon nila lalo na sa mga lugar na maaaring maghasik ng lagim ang mga rebeldeng terorista.
Dagdag pa dito ay nakadeploy na rin ang special action force ng PNP sa mga lugar na bulnerable at pilit na inuusig ng makakaliwang grupo.
Kasunod na rin ito ng insidente kamakailan sa Masbate kung saan nagkaroon ng engkuwentro ang grupo ng militar at teroristang grupo na labis na ikinatakot ng mga estudyante at guro sa isang paaralan doon.
Kaugnay nito ay pinaalalahanan at ipinag-utos na ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin, Jr. sa mga field commanders na i-review ang kanilang mga security measures at magpapadala pa ang PNP ng dagdag na puwersa sa mga liblib na lugar.
Samantala, wala namang nakikitang banta ang Pambansang Pulisya sa nalalapit na mahabang bakasyon sa Semana Santa.
Inihayag ng PNP na aabot sa 74,000 na police personnel ang kanilang idedeploy para magbibigay ng seguridad sa publiko ngayong darating na Semana Santa.