KASUNOD ng nakaamabang tigil-pasada sa darating na Lunes, Abril 15, 2024, pinaghahandaan na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mobile assets para alalayan ang mga maaapektuhang komyuter sa transport strike na gagawin ng mga grupong Manibela at PISTON.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, magpapakalat sila ng mobility assets na siya namang mag-aalok ng libreng sakay sa mga apektadong pasahero.
Dagdag pa ni Fajardo, sakaling mai-stranded ay maaaring parahin ng mga apektadong pasahero ang mga nagpapatrolyang pulis para ihatid sila sa kanilang destinasyon.
Magiging katuwang din ng PNP ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para magbigay ng libreng sakay.
Sa huli, tiniyak pa rin ng PNP na mahigpit nilang ipatutupad ang “maximum tolerance” sa mga inihandang programa ng dalawang transport group bilang paggalang sa kalayaan ng bawat Pilipino na maghayag ng kanilang saloobin.