SUSURIIN ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y mga ulat na election sabotage sa darating na Mayo 9 ng taong ito.
Ang nasabing banta ay ibinunyag ng apat na presidential candidates sa isinagawang presscon nakaraang Linggo.
Sinabi ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos na hindi pa sila nakakaengkwentro ng naturang report sa ngayon.
Ngunit nangako si Carlos na kukunin ang mga detalye mula kay Senador Panfilo Lacson na isa sa mga presidential aspirant na nagsiwalat ng umano’y plot.
Sa joint conference ng ilang presidential candidates, nagbabala si Lacson kasama sina Manila Mayor Isko Moreno at former National Security Adviser Norberto Gonzales ng posibleng pagtangkang isabotahe ang nalalapit na halalan.
Gayunpaman, inamin ni Lacson na hindi pa nila nakukumpirma ang mga ulat.
Election gun ban violators sa bansa, higit 2,600 na
Samantala, umabot na sa 2,653 ang bilang ng mga lumabag sa pinaiiral na gun ban kaugnay ng halalan 2022.
Batay ito sa datos ng PNP nitong Lunes, Abril 18, 2022 matapos madagdagan ng 20 new violators.
Sa bilang ng mga lumabag, 2,551 ang sibilyan, 44 ang security guards, 17 ang sundalo, 16 ang pulis at 25 ang iba pang violators.
Nakumpiska naman ang 2,013 na mga baril, 974 na deadly weapons at 10,777 mga bala.
Nakapagsagawa na ang pulisya ng 2,536 na operasyon sa iba’t ibang lugar sa bansa.
BASAHIN: COMELEC may pa hands-on experience ng VCM sa isang mall chain