SA pulong balitaan nitong Huwebes, nilinaw ni Philippine National Police (PNP) chief police General Rodolfo Azurin Jr., na posibleng tamaan ng courtesy resignation deal ang mga dating opisyal ng pambansang pulisya na idinadawit noon sa isyu ng iligal na droga.
Matatandaang 6 na police general ang pinangalanan noon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na aniya’y dawit o may kinalaman sa illegal drug trade.
Pero ayon kay PNP chief, hanggang ngayon ay wala pang naihahablang kaso laban sa mga ito.
Kung kayat sa ilalim ng hamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., hindi aniya malayo na balikan ang iba pang police officials na sinasabing sangkot sa iligal na droga para papanagutin sa batas.
Naniniwala ang PNP na may sapat na mekanismo ang DILG para gawin nang maayos ang bagong hamon na ito sa hanay ng kapulisan para tuluyan nang malinis ang pambansang pulisya sa mata ng publiko.