Pondong ginagamit ng SK para sa pa-liga at beauty contest, dapat i-realign—NYC

Pondong ginagamit ng SK para sa pa-liga at beauty contest, dapat i-realign—NYC

SINABI ng National Youth Commission (NYC) na bibigyan nila ng bagong direksiyon ang  Sangguniang Kabataan (SK) lalo na sa paggamit ng kanilang pondo na dapat ay nakatuon sa mga programa na naaayon sa nation-building policies ng gobyerno.

Sa isang Pulong-Balitaan nitong Biyernes ng umaga, kinuwestiyon ng NYC ang paggamit ng SK sa kanilang pondo.

Kalimitan kasi sa pondo ng SK ayon sa NYC ay nauubos sa pa-liga o pa-beauty contest.

Dahil dito, inilahad ni NYC Usec. Ronald Cardema na magpapasa sila ng resolusyon hinggil sa tamang paggamit ng SK sa kanilang pondo na dapat nakatuon sa nation-building.

 “Magpasa kami ng resolution ngayon directing the SKs, especially the upcoming SKs na ang inyong pondo gagamitin niyo doon sa policies ng ating bansa for nation-building,” ayon kay Usec. Ronald Cardema, NYC.

Kabilang sa dapat bigyang prayoridad ng SK sa kanilang pondo ani Cardema ay disaster preparedness, barangay clean-up tulad ng anti-vandalism, at Feeding program para sa mga malnoursihed na kabataan sa kanilang komunidad.

NYC, pinatututukan sa sangguniang kabataan ang pagtataguyod ng ‘desk’ para sa mga kabataang biktima ng pang-aabuso

Samantala, dagdag ng opisyal na nais nilang patutukan sa sk ang pagtataguyod ng isang ‘help desk’ kung saan makakatakbo ang mga kabataang biktima ng karahasan o pang-aabuso.

Ito’y matapos nalaman ni Cardema mula kay Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla na higit sa kalahating benepisyaryo ng kanilang Witness Protection Program ay napupunta sa mga batang nagagahasa.

“Yung kabataang Pilipino, kapag sila ay nagahasa ng kanilang kamag-anak, saan sila tatakbo?”

“One orientation na ipapagawa natin dito sa SK, kapag mayroong ganon, incestuous rape or anything na inaabusong kabataan, gagawa kayo ng desk doon sa barangay na kayo ang tatakbuhan,” dagdag ni Usec. Ronald Cardema.

National nation-building event, ikakasa ng NYC kada buwan para sa mga mahahalal na SK official

Inilahad din ng NYC na maglulunsad sila ng isang national nation-building event kada buwan para sa mga magiging bagong-halal na SK official.

Halimbawa ayon kay Cardema ay ang National Coastal Clean-Up kada Enero at National Anti-Vandalism Campaign kada Pebrero.

 “Mapatunayan nila na sila ang pag-asa ng bayan. Yung mga sitwasyon sa bansa na alam niyo sa utak niyo wala ng pag-asa iyan, bubuhayin natin yung titulo nila na pag-asa sila ng bayan. Gugulatin natin ang lipunan na naayos pala kada buwan ang ating bansa sa pamamagitan ng sangguniang kabataan,” ani Cardema.

Tinatayang aabot sa halos 500-M ang bilang ng mga kabataang lider sa bansa.

Follow SMNI NEWS on Twitter