Foreign trips ni PBBM at pagbubukas ng ekonomiya, dahilan ng pagtaas ng employment rate—ECOP

Foreign trips ni PBBM at pagbubukas ng ekonomiya, dahilan ng pagtaas ng employment rate—ECOP

PANGUNAHING dahilan ng pagtaas ng employment rate sa bansa ang mga paglalakbay ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa ibang bansa at ang pagbubukas ng ekonomiya kasunod ng COVID-19 pandemic.

Ito ang inihayag ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) president Sergio Ortiz-Luis Jr. sa Laging Handa public briefing nitong Biyernes.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng 95.5 porsiyento ang employment rate ng Pilipinas noong Hunyo ngayong 2023.

Kaugnay rito, nagbigay ng kaniyang tugon si Ortiz-Luis na siya ring presidente ng Philippine Exporters Confederation, Inc. (PhilExport), tungkol sa mga salik na nag-ambag sa pagtaas ng local employment.

Saad ng ECOP head, kabilang sa mga industriya na nagdulot ng mas maraming trabaho ay ang construction, agriculture, administrative at food services, at public administration & defense sa panig ng gobyerno, sinabi ng ECOP head.

Sa usapin naman ng foreign trips ng Pangulo, sinabi ni Ortiz-Luis na sa Philippine Chamber of Commerce, halos kada linggo mayroon silang nakakapulong na foreign business personalities.

Ayon sa ECOP president, naghahanap ng kapartner ang mga ito at nagtatanong kung ano ang mapapasukan nilang negosyo.

Resulta aniya ito ng mga biyahe ni Pangulong Marcos sa ibang bansa.

Upang matulungan naman ang gobyerno sa pagpapataas pa ng labor force sa bansa, sinabi ni Ortiz-Luis na nagsasagawa ang ECOP ng advocacy campaign at nakipagkasundo sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), manufacturers, Business Process Outsourcing (BPO), at industriya ng turismo upang lumikha ng 1-M trabaho.

Samantala, sa pagtaas naman ng Gross Domestic Product (GDP) ng 5.3 porsiyento sa unang kalahati ng 2023, iniugnay ito ni Ortiz-Luis sa patuloy na pagbubukas ng ekonomiya.

Una nang inilatag ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno sa isang Post-SONA Briefing nitong Agosto 11 sa Cebu City, ang mga pangunahing dahilan ng paglago ng ekonomiya para sa unang kalahati ng taon.

Sa kabilang banda, kumpiyansa naman ang ECOP na maaabot ng gobyerno ang target nito na 6-7 porsiyento na GDP growth rate para sa taong 2023.

Gayunpaman, iminungkahi pa rin ng ECOP na pataasin pa ng gobyerno ang paggasta nito upang talagang matugunan ang GDP target ng paglago ngayong taon.

May tugon naman dito ang economic managers kung saan binigyang-diin ng mga ito ang kahalagahan ng government spending.

Sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na sa katunayan, nakapaglabas na ang pamahalaan ng 90 porsiyento ng P5.268-T fiscal year 2023 national budget.

Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, sa kabila ng mga hamon ay nakatulong ang pagbubukas ng ekonomiya dahil bumuti ang labor at employment conditions sa bansa gayundin ang service sector, food sector, at accommodation.

Dagdag pa ni Balisacan, nakatulong din ang tourism-related spending at commercial investments sa paglago ng ekonomiya nitong ikalawang quarter.

Follow SMNI NEWS on Twitter