“Postal o mail-in voting” para sa seniors, PWDs, inihain sa Kamara

“Postal o mail-in voting” para sa seniors, PWDs, inihain sa Kamara

ISINUSULONG ngayon ni Presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang panukalang batas para sa “postal o mail-in voting” ng ilan sa ating mga kababayan.

Batay sa House Bill 8037 ni Marcos, bibigyang pribilehiyo ang mga senior citizen at may kapansanan na makaboto sa ganoong paraan tuwing panahon lamang ng public health emergency o state of calamity.

Nakuha naman ng batang Marcos ang konsepto ng panukala sa karanasang dala ng COVID-19 na hindi dapat maging hadlang sa pagbibigay karapatan sa mga nabanggit na sektor na makaboto.

Diin din nito na may postal o mail-in voting na sa US gaya ng mga estado ng Colorado, Hawaii, Oregon, Utah, at Washington.

Kaya hindi na aniya mahihirapan ang Pilipinas na mag-adopt sa nasabing sistema.

“There is no better way of going about this than to adopt the best practices which have been time-tested in other jurisdictions,” saad ng batang Marcos.

Kung maisasabatas, aatasan ng proposal ang Commission on Elections na gumawa ng postal o mail-in voting system na gagamitin lamang tuwing may public health emergency o state of calamity sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter