ISINISI sa National Grid Corporation (NGCP) ang nangyaring malawakang power outage sa Panay Island, Western Visayas nitong Enero 2, 2024.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Sec. Raphael Lotilla, hindi nagawang kausapin ng NGCP ang ibang distribution utilities at electric cooperatives na bawasan ang kanilang kinokonsumong load upang maiwasan sana ang malawakang power outage.
Nauna nang sinabi ng NGCP na dalawang power plants ang offline bago mangyari ang power outage.
Ayon kay NGCP Spokesperson Cynthia Alabanza, nakadepende lang sa apat na planta ang Panay na nagsusuplay ng katumbas ng 70 porsiyento na kinakailangan nitong kuryente.
Nang mag-offline ang dalawa sa apat na planta, katumbas sa 200 megawatts ang nawala sa suplay.
Ayon pa kay Alabanza, wala ring indikasyon na maging imbalanced ang suplay ng kuryente dahil stable ang voltage at frequency kung kaya’t hindi ipinatupad ang pagbabawas ng kinokonsumong load gaya ng suhestiyon ng DOE.
Sa huli, sinabi ng NGCP na mainam na tugunan ito ng kabuuang industriya at hindi isisi lang sa transmission.
Mainam din na hingian ng solusyon ang generation at distribution sector.
Samantala, hirit pa ng DOE sa NGCP, kulang ito sa pagiging maagap dahil wala anila itong ginagawa kahit alam nilang maya’t maya ay nagkakaroon ng aberya ang mga power plant sa Panay Island.