NAGHAYAG na rin ng pagkabahala ang ilang senador kaugnay sa nangyayaring power outage sa Panay Island.
Ito ay kasunod ng panawagan ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa mga kinauukulan na imbestigahan ito dahil sa pagkalugi ng milyong-milyong piso sa ekonomiya.
“I am told that due to the unstable supply of NGCP, both Panay and Negros are in total blackout. I call on ERC (Energy Regulatory Commission), DOE, and other regulatory bodies to hold NGCP accountable for this,” pahayag ni Mayor Jerry Treñas, Iloilo City.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), kabilang sa apektado ng power interruption ang iba’t ibang probinsiya sa Panay. Kabilang na ang Iloilo, Aklan, at Capiz; ang island-province ng Guimaras, pati na rin ang Negros Island.
“Maghahain din ako ng Senate Resolution upang imbestigahan at mapanagot ang mga nasa likod ng hindi katanggap-tanggap na power outage na ito sa Panay Island,” wika ni Sen. Raffy Tulfo.
Kaugnay rito plano ni Committee on Energy Chairman Senator Raffy Tulfo na maghain ng resolusyon upang imbestigahan ang aniya’y nakaalarmang dinadanas ng mga resindente sa Panay na apektado na rin ang pamumuhay dahil sa power outage.
Samantala, si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay plano ring maghain ng resolusyon para maimbestigahan ang pangyayari.
Partikular na ikinaalarma niya ay ang pagkakasangkot ng NGCP.
Maging si Sen. Sherwin Gatchalian ay nais din magkaroon ng imbestigasyon para makabuo ng mga rekomendasyon kontra power disruption sa hinaharap.
“I will immediately file a resolution to investigate this matter and to propose policy recommendations to prevent power disruptions in the future,” ani Sen. Sherwin Gatchalian.