TULOY-tuloy ang pagmomonitor ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga pantalan lalo na sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong nalalapit na ang Semana Santa.
Sinabi ni PPA Spokesperson Eunice Samonte na 3.5% na pagtaas ang inaasahang bilang ng mga pasahero ngayong taon, kumpara nitong nakaraang taon.
Nasa 1.73 milyong pasahero ang posibleng dadagsa sa mga daungan sa buong bansa, mas mataas kumpara noong nakaraang taon na 1.67 milyon.
“That’s around a 3.5% increase sa mga pasahero na bilang. Ito’y bunsod na rin ng summer vacation. Ang ilan sa ating mga kababayan ay isasabay na ang bakasyon ngayong Holy Week dahil ito’y tumapat ng April,” ayon kay Eunice Samonte, Spokesperson, Philippine Ports Authority.
Pinaalalahanan naman ng PPA ang mga biyahero na magtungo na sa pantalan tatlong oras bago ang kanilang naka-iskedyul na paglalakbay. Ito nga’y dahil sa inaasahang bigat ng daloy ng trapiko.
Pagpapatupad ng online ticketing system sa lahat ng daungan sa bansa, target ipatupad ng PPA ngayong taon
Isa rin sa tinitingnan ng PPA ang online booking system.
Binisita kamakailan ni Transportation Secretary Vince Dizon at PPA General Manager Jay Santiago ang Batangas port.
Isa sa mga nakita nila ay ang pagbuhay sa electronic ticketing management system kung saan maaari nang maglagay ng ticketing system kiosks sa mga pantalan.
Ayon pa kay Samonte, balak ng pamunuan ng DOTr at PPA na maipatutupad ang electronic ticketing management system ngayong taon.
“It’s too late na for next week na ating i-implement sa Holy Week. Pero meron na tayong mga system in place, puwede natin itong gamitin muna habang inaayos itong online ticketing,” ani Samonte.
Layon ng online ticketing na pag-isahin ang mga ticketing system para maaari nang mag-book ang mga pasahero nang hindi na kinakailangan pang pumunta ng pantalan para makabiyahe at makabili ng ticket sa mga ticketing booth.
“But then again, ngayon, gumagana ang lahat ng online ticketing system ng mga shipping lines. So, kung gusto nilang kumuha ng ticket, puwede po silang kumuha dito sa website ng shipping line,” aniya.
Sabi ni Samonte, kabilang sa mga pantalan na inaasahang dadagsain ng mga pasahero ngayong Semana Santa ang Batangas port simula sa susunod na linggo.
Kasunod niyan ay ang mga daungan ng Mindoro, Negros Oriental, Siquijor, Bohol, maging ang mga pantalan sa iba pang parte ng Visayas at Mindanao.
PPA, nagpaalala sa mga bawal dalhin sa mga pantalan kapag bumibiyahe
Samantala, nagpaalala ang PPA sa mga bawal dalhin sa mga pantalan kapag bumibiyahe.
Ibinahagi ni Samonte na isa sa mga nakikitang nakukumpiska sa mga pasahero kapag sumailalim ang mga ito sa screening at body check ay ang mga matatalas na bagay gaya ng balisong, ilang kitchen items, flammable materials tulad ng lighter at iba pa.
Ipinabatid rin ng PPA na may ilang lokal na pamahalaan na hindi nagpapahintulot na ipasok ang mga pork product dahil sa isyu ng African Swine Fever (ASF).
Follow SMNI News on Rumble