NAGMAHAL na rin ang bentahan ng iba’t ibang klase ng asukal sa palengke ng Pasig City ngayong araw.
Naglalaro na sa P85–P90 ang presyo ng puting asukal, habang nasa P65–P70 naman ang bentahan sa kada kilo ng washed sugar at nasa P70–P75 naman sa brown sugar.
Dahil sa mahal na presyo ng asukal ngayon, ilan sa mga nagtitinda ay nagbabawas na ng kanilang suplay.
Si Ate Jiji Bolanios na may malaking tindahan ng asukal sa nasabing palengke, nahirapan sa pagbebenta.
Ang dati rating 50 sakong asukal na suplay niya kada linggo ay naging kalahati na lang.
Giit nito, ang 50kg asukal na puti ngayon ay nasa P4,150, nasa P2,980 naman sa washed at P2,980 naman sa kada 50 kilo ng asukal na brown.
Aniya, halos nadagdagan ng tig-iisang libong piso ang sa bawat 50kg ng asukal.
Ayon sa Sugar Regulatory Board (SRA), tumaas ang presyo ng asukal dahil sa mababang produksyon nito.
Ito ay dahil pa rin sa pagtama ng Bagyong Odette sa mga sugar producing areas sa bansa.
Maliban diyan, mas lumala rin ang recovery sa tubuhan dahil karamihan sa mga magsasaka ay inaani na nila ang tubo kahit ito ay bata pa.
“Iyong mga farmer, kahit hindi matured ‘yung tubuhan nila ini-harvest na nila. So, lalong lumala ‘yung recovery, so ‘yung asukal na makukuha per tons of cane ay lalong bumaba dahil immature or bata pa po ‘yung kanilang tubuhan,” pahayag ni Hermenegildo Serafica, Administrator, SRA.
Ani Serafica, iba’t ibang programa ang kanilang ginawa upang masolusyunan ang problema sa asukal.
“Mayroong importanteng programa ang SRA, it is an ongoing program itong HYV, ibig sabihin high yielding varieties tubo na kung mga sakuna ay wala masyadong init o sobra ang ulan. Itong mga high yielding varieties ay sobrang resilient than what we are being used now by the farmers or iyong buong industriya at tsaka meron tayong ipinalabas na bio-micro organism na makatulong sa pag-enhance ng productivity at minus yung gastusin natin sa fertilizer. Kasi itong DMO ay makatulong ito sa growth ng isang tubuhan,” ayon kay Serafica.