Presyo ng galunggong, inaasahang bababa sa susunod na buwan—DA

Presyo ng galunggong, inaasahang bababa sa susunod na buwan—DA

POSITIBO ang Department of Agriculture (DA) na mas bababa pa ang presyo ng galunggong sa mga susunod na buwan.

Ito’y dahil sa nalalapit na pagtatapos ng closed fishing season sa Northern Palawan na pangunahing pinagkukunan ng mga isda ng Metro Manila.

Kaniya-kaniyang diskarte ang mga tinderang sa pagtitinda ng isdang galunggong sa Muñoz Market.

Si Ate Leah, nasa P300/kg ang bentahan niya ng preskong galunggong habang nasa P240/kg ang bentahan ni Ate Edith sa frozen galunggong.

Iba naman ang diskarte ni Ate Joan para mabilis na mabenta ang isang piraso, nasa P100/kg ang tumpok ng frozen galunggong.

Anila, nanatiling mataas ang presyo ng galunggong ngayon kumpara noong nakaraang taon.

Bukod sa mahal ay matumal din anila ito kung kaya’t karamihan sa kanilang mga customer ay ibang uri ng isda na lamang ang binibili na abot-kaya sa budget.

“Kasi ‘yung ibang mamimili mas gusto nila ang mura, katulad niyan tinutumpok na lang po,” ayon kay Joan, tindera ng isda.

Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), naglalaro sa P200/kg hanggang P320/kg ang bentahan sa galunggong sa ilang merkado sa Metro Manila.

Kabilang sa mga palengke na ganito ang presyo ay Commonwealth, Dagonoy, Muñoz, Kamuning, Guadalupe, at iba.

Paliwanag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) bunsod ito ng mababang suplay ng lokal na galunggong.

Nakataas pa rin kasi ang closed fishing season sa Northern Palawan na pangunahing nagsusuplay ng isda sa Metro Manila.

“Once matapos ang closed fishing season ay madaragdagan na ang unloading diyan sa Navotas, and following of the law of supply and demand bumababa na ang presyo nito,” ayon kay Nazario Briguera, Spokesperson, DA.

Sa Pebrero 15 naman matatapos ang closed fishing season para sa small pelagic species ang Visayan Sea, gayundin ang Zamboanga Peninsula para sa sardinas.

Positibo naman si DA Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr., na bababa na ang presyo ng galunggong sa mga susunod na buwan.

“The answer there is yes. But in March, ang talagang season ng Pilipinas sa galunggong catching is March, April, May, June. Iyong lifting ng end of ano by February, mahina pa iyong huli niyan. But by March, I expect bababa ang presyo,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr., DA.

Sa pagtataya ng kalihim, bababa sa P150/kg hanggang P130/kg na lamang ang presyo nito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter