Presyo ng ilang pangunahing bilihin mas tataas pa matapos ipatupad ang dagdag-singil sa toll fee—SINAG

Presyo ng ilang pangunahing bilihin mas tataas pa matapos ipatupad ang dagdag-singil sa toll fee—SINAG

MAS mataas na dagdag-singil sa toll fee ang bumungad ngayong Marso lalo na sa mga biyaherong may dalang produktong pang-agrikultura.

Epektibo nitong Marso 2 ang mas mataas na toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) matapos aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB). Sakop nito ang open system ng NLEX, kabilang ang Balintawak, Caloocan, Mindanao Avenue, at Marilao.

Ayon sa bagong singil, tumaas ng P5 ang toll fee para sa Class 1 vehicles gaya ng kotse at SUV, umabot sa P79. Nadagdagan naman ng P13 ang Class 2 gaya ng bus at maliliit na truck, kaya ito’y naging P199.

Para sa Class 3 o malalaking truck at trailer, nadagdagan ng P15, kaya umabot sa P238 ang toll fee.

Ayon sa TRB, layunin ng pagtaas ng singil na matiyak ang patuloy na pagpapanatili at pagpapaganda ng expressway.

Ngunit ayon sa Samahang Industriya at Agrikultura (SINAG), may epekto ito sa presyo ng mga bilihin, lalo na sa mga biyaherong may dalang produktong pang-agrikultura.

“It will add sa mga cost nila and definitely madagdagan o ipapasa ang presyo sa retailer. Ang retailers naman ay hindi siyempre magpapalugi, kaya ipapasa nila ito sa konsyumer,” sabi ni Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG.

Hinihiling nilang gawing exempted sa dagdag-singil ang mga sasakyang may dalang lokal na produkto upang hindi masyadong maapektuhan ang presyo ng mga bilihin.

Ayon naman kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., may epekto ang taas-singil sa presyo ng bilihin, ngunit umaasa silang hindi ito magdudulot ng pagtaas sa presyo ng mga produktong agrikultural.

Sinabi naman ng TRB na maaari silang lumiham para sa muling implementasyon ng toll rebate initiative na nagtapos noong Disyembre.

Dagdag-singil sa toll fee, tinuligsa ng ilang transport groups; Implementasyon, ipinahihinto

Samantala, ayon kay Leonardo Bautista, presidente ng Sectoral Apec Organization Public Utilities, may mga biyahero na raw nagpapatong ng P10 sa kada kilo ng kanilang dalang agri products, kaya lalong malabong maabot ang P20/kilo na bigas na pangako ng administrasyong Marcos Jr.

Sa panig naman ng transport groups, tinuligsa nila ang TRB dahil hindi raw kinonsulta ang publiko bago ipinatupad ang taas-singil.

“Sana po ay itigil muna ito at pag-usapan. Bigyan niyo naman sana kami ng paggalang at respeto bilang mga konsyumer na dumadaan sa expressway na ‘yan,” ayon kay Lando Marquez, presidente ng Liga ng Transportasyon at Operator sa Pilipinas (LTOP).

Hiling din nila na magkaroon ng express lane para sa mga pampublikong sasakyan upang mapabilis ang kanilang biyahe.

Giit nila, kung hihirit sila ng taas-singil sa pamasahe, hindi raw dapat sisihin ang transport sector kundi ang mga desisyong nagpapabigat sa kanilang operasyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble