Presyo ng itlog, mas tataas pa habang papalapit ang Pasko

Presyo ng itlog, mas tataas pa habang papalapit ang Pasko

NGAYONG papalapit ang Pasko hindi mawawala sa hapag ng mga Pinoy ang iba’t ibang uri ng panghimagas tulad ng cake, cookies, tinapay at iba pa.

Pero, papaano kung ang paborito mong panghimagas ay nagtaas na naman ng presyo.

Ang kilalang paniderya sa bahagi ng Quezon City ay apektado rin ng mataas na presyo ng mga sangkap tulad ng itlog na ginagamit sa paggawa ng mga produkto.

Kaya naman, hindi na sila nagdalawang-isip pa na magtaas-presyo upang makabawi sa mahal na gastos.

“Noon P55 ang isang pack nito, ngayon nasa P65 at tinataas pero hindi sobra ang itinaas ng itlog doble.”

“Kaya napipilitan kami na itaas ang presyo kaysa sa ibaba ang quality. ‘Yun wala kaming choice hindi kami puwede magbaba ng quality o magbaba ng ingredients. Ang ginagawa namin ay number 1, inuunahan na namin na nag-iincrease kami ng tinatawag na efficiency. Kasi lahat ng negosyo, maraming tayong hindi napapansin na sayang parang drum ng tubig na hindi napapansin may nawawala sa operations natin kinukulit ko lahat ng tao na mas maging masinop at matipid,” ayon kay Wilson Lee Flores, Owner, Kamuning Bakery.

Nasa P260 na rin ang bentahan ng isang tray ng large size na itlog sa tindahan ni Kuya William malayo sa P220 na presyo noong mga nakaraang buwan.

Paliwanag niya, wala naman problema sa suplay ng itlog.

Pero, ayon naman sa Philippine Egg Board Association (PEBA) na ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng itlog ay dahil sa kulang ang suplay nito dahil apektado ang mga alagang manok ng sakit na avian influenza o bird flu.

“Nagka-bird flu, marami ang nawala estimate mga 9-10 million. Nabawasan ‘yung supply tapos ‘yung iba hindi na nagpalaki kasi wala pang bakuna sa bird flu,” ayon kay Gregorio San Diego, Chairman, PEBA.

Sinabi pa ni PEBA chairman Gregorio San Diego, may ilang layer farms ang tumatangkilik sa smuggled vaccines na nabibili sa mga online platform.

Aniya, may ilang layer farms ang sumusugal upang hindi mahawaan ng bird flu ang mga alagang manok.

“Yung risk kasi kapag halimbawa malaki ang operation mo, kung tamaan ng bird flu ‘yan kahit hindi man lahat tamaan ay wiped out lahat ‘yan kasi iku-condemn lahat ng DA ‘yan. Kaya complain ay P100 lang ang ibabayad sayo, tingnan mo napakalaki ng kalugian lalo na ‘yung malalaking operation. So, talagang sumusugal na sila kaysa sa walang proteksyon at least may bakuna kung anuman ang mai-import na ‘yan kung anuman ang available sa trade market,” dagdag ni Gregorio San Diego.

“Ang problema kung ang ginamit mo ay hindi talaga akma doon sa virus sa atin ay puwedeng may posibilidad na mag-mutate kasi tinanong na namin ‘yung mga eksperto sa ganyan pati ‘yung mga foreign expert na nandiyan talaga ‘yung risk sa mutation kapag hindi pin pointed ‘yung vaccine na gagamitin mo na available nga sa shoppee na ‘yan nga ang sinasabi namin bakit hindi para ma-avoid ‘yung ganyang smuggling bakit hindi pa pabilisin,” ani San Diego.

Gabay sa pagbabakuna kontra bird flu, inilabas na ng DA

Ang Department of Agriculture (DA) ay naglabas na ng gabay sa pagbabakuna kontra bird flu.

Batay sa Memorandum Circular No. 49, inilatag na ang gagawing vaccination campaign laban sa bird flu na layong maging karagdagang preventive at control measures para mabawasan ang pagkalat ng virus.

Tinukoy rito ang mga priority area na uunahin sa pagbabakuna kasama na rito ang Central Luzon, Sultan Kudarat, North at South Cotabato, at mga lalawigan ng Benguet at Kalinga sa Cordillera Administrative Region (CAR) na may mataas na kaso ng bird flu.

Pasok din sa priority areas ang mga major economic poultry centers a bansa kabilang ang CALABARZON, Bukidnon, at Misamis Occidental, Pangasinan, Isabela, Bacolod, Cebu, at Davao del Sur.

Habang isusunod din ang iba pang mga lugar na may moderate cases ng bird flu at pati na ang mga high-risk area sa Luzon at iba pang rehiyon.

Pero, ang inilabas na MC No. 49 ng DA ay pinuna naman ng PEBA.

“Siyempre kahit anong protocol mo kung wala namang bakuna, protocol para saan ‘yan para sa smuggled ang mangyayari diyan kasi maraming smuggled na bakuna na sa artificial intelligence (AI). Kaya, anong saysay ng protocol kung walang-wala naman ‘yung bakuna, di ba,” ani San Diego.

DA, dumulog sa opisina ni ES Bersamin upang hilingin ang pag-aako sa pamamahala ng bakuna vs bird flu at ASF

Upang masolusyunan ang matagal nang problema ng industriya ay dumulog na ang Department of Agriculture (DA) kay Executive Secretary Lucas Bersamin para hilingin na ang DA na ang aako sa pamamahala ng bakuna sa hayop gaya ng bird flu at African swine fever (ASF) vaccine.

Sa ngayon kasi ang Food and Drug Administration (FDA) ang namamahala o nag-aapruba sa bakuna.

Paliwanag ng tanggapan ni DA Undersecretary for Livestock, Deogracias Victor Savellano, sa oras na payagan ay gagalaw na ang ahensiya para mapabilis ang proseso ng pagpasok ng tamang bakuna at magamit ito sa tamang paraan.

Mahalagang maibigay sa DA ang pangangasiwa ng mga bakuna para mapabilis ang pagpasok ng mga lehitimong bakuna at mabilis na masugpo ang pagkalat ng bird flu at iba pang sakit ng hayop.

Sa pahayag ni Usec. Savellano, ang dahilan din ng mahal na presyo ng itlog ay dahil mahal ang feeds ng manok kung kaya’t apektado ang presyo ng itlog sa merkado.

Ang patuka ay nasa P4.65 kada araw at ang itlog ay nasa P7 kaya maliit ang kita.

Ilan sa ginagawa ng ahensiya ay paramihin ang mais sa bansa dahil noong nagsara ang planta ng asukal sa Western Visayas lahat ng magsasaka ng tubo ay pinagtatanim na ngayon ng mais.

Inaasahan ng opisyal na ang pagtaas ng presyo ng itlog ay panandalian lamang sa ngayon.

“Bababa ang presyo ng patuka at dadami ang supply ng itlog sa Pilipinas. Kapag oversupply na, simula na tayo sa expert,” ayon kay Savellano.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter