Presyo sa ilang grocery items, 2 beses nang tumaas ngayong buwan—DTI

Presyo sa ilang grocery items, 2 beses nang tumaas ngayong buwan—DTI

INANUNSIYO ng Department of Trade and Industry (DTI) na pinayagang muli ng gobyerno ang pagtataas ng suggested retail price (SRP) sa ilang basic at prime commodities.

Sinabi ni DTI Asec. Amanda Gonzales ng Consumer Protection Group na nasa siyam na produkto ang may panibagong taas-presyo.

Kabilang na rito ang ilang brand ng canned sardines, powdered milk, at toilet soap.

Ngayong buwan ay umabot na sa 18 produkto ang nagtaas ng presyo matapos ilabas ng DTI ang panibagong SRP bulletin nitong Enero 12.

Pero hindi pa rito nagtatapos ang pagsirit ng mga presyo dahil aniya, nakabinbin pa ang petisyon ng iba pang manufacturers na humihirit din ng taas-presyo sa ilang mga produkto.

Kasama rin dito ang ilang brands ng powdered milk na may average price increase na P3.50 hanggang P4, sa tinapay ay P2 hanggang P2.50, sa noodles  naman ay P.30 hanggang P1.75, at bottled water na P1 hanggang P6.

Humiling din ang ilang manufactures ng processed canned meat at condiments ng taas-presyo.

Samantala, pinag-aaralan din ngayon ng DTI na tanggalin o baguhin ang implementasyon ng SRP.

Sinabi ni DTI Sec. Alfredo Pascual na posibleng magpatupad na lamang ng SRP sa mga pangunahing bilihin sa panahon ng kalamidad.

“We are studying the best way to stabilize prices of basic necessities at prime commodities. SRP is the best mechanism to stabilize these prices or there are other ways,” ani Pascual.

Ngunit, kailangan pa aniya itong pag-aralang mabuti para hindi naman gaanong maaapektuhan ang mga konsyumer kasabay ng pagtiyak na matutulungan pa rin ang mga manufacturer.

“Kapag walang SRP mino-monitor pa rin naman ang prices, at consumers are aware of the prevailing prices kapag mayroong undue na nagtaas ng presyo na walang dahilan. We have other power to protect the consumers,” dagdag pa nito.

Batay sa pag-aaral ng Department of Justice (DOJ) noong 2015, hindi nakatutulong sa paglago ng industriya ang pagpapatupad ng SRP.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble