KINATIGAN ng Court of Appeals (CA) ang Manila Regional Trial Court (Manila RTC) sa inilabas nitong 20 search warrant laban sa Kapa-Community Ministry International, Inc. (KAPA).
Sa CA Ruling na isinulat ni Justice Mary Charlene Hernandez Azura, idineklara nitong valid ang mga naturang search warrant.
Dahil dito, maari nang ipagpatuloy ng NBI ang imbestigasyon laban sa KAPA.
Ang search warrants ay inilabas ng korte dahil sa petisyon ng NBI kasunod ng reklamong inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC) noong 2019.
Matatandaan, sinampahan ng SEC ang mga miyembro ng KAPA ng paglabag sa Section 8 at 26 ng Securities Regulation Code.
Nakasaad sa Section 26 ng SRC na ipinagbabawal ng SEC ang ‘Ponzi investment scheme’ dahil itinuturing itong fraudulent habang sa Section 8 ay nakasaad na bawal ang pag-alok ng sale, or distribution of securities maliban na lang kung ito ay nakakuha ng permit sa SEC.
Ang Ponzi scheme ay naghihikayat sa mga tao na mag-invest kapalit ng malaking kita at maliit na risk sa mga investor.
Naging pangako ng KAPA sa mga investors ay magkakaroon sila ng at least 30 percent returns sa kada buwan.
Sinabi naman ng NBI na personal nilang nasaksihan ang iligal na pyramiding at aktibidad ng KAPA nang nagpanggap itong poseur investors.
Matatandaan na una nang kinontesta ng KAPA ang pagpapalabas ng Manila RTC ng search warrant dahil puro hearsay lang umano ang mga inilabas na ebedensya.
Pero ayon sa CA, ang mga personal knowledge ng NBI at SEC na kanilang nakuha mula sa surveillance operations ay sapat na para magkaroon ng probable cause para sa pag issyu ng search warrants.
“The trial court made a careful examination of all the documents submitted before it and propounded probing questions to the witnesses from respondent NBI and SEC investigating teams, who then testified based on their personal knowledge obtained during their investigation and surveillance operations.”
“Their personal knowledge is more than enough to sustain a finding of probable cause for the issuance of the subject search warrants,” saad ng Court of Appeals.