Sandra Cam, nagsalita na kasunod ng pagkakaabswelto sa kanya, anak nito at 6 na iba pa sa kasong murder

Sandra Cam, nagsalita na kasunod ng pagkakaabswelto sa kanya, anak nito at 6 na iba pa sa kasong murder

NAGSALITA na si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) official Sandra Cam, kasunod ng pagkakaabswelto sa kaniya, anak nito at 6 na iba pa sa kasong murder.

Humihingi ito ng seguridad mula sa Pambansang Pulisya dahil umano sa banta sa kanyang buhay.

Matapos na makulong ng halos 2 taon, emosyonal na humarap sa media si Sandra Cam matapos mapawalang sala sa kasong murder.

Dito kanyang ikinwento ang tingin niya na dahilan ng kanyang pagkakakulong.

 “The lesson I learned from my imprisonment including my son encarseration, I became closer to God,” pahayag ni Cam.

Kakulangan ng sapat na ebidensya ang dahilan kung bakit binasura ni Judge Dinnah Aguila-Topacio ng Manila Regional Trial Court Branch 42 ang murder case laban kay dating PCSO official Sandra Cam, anak nito na si Marco Martin Cam at anim na iba pa.

“Tama po yon yung primary claim nila na meron daw silang nakitang tao na to na narinig si Maam na may sinabi ngang ganun kaya lang napakadali lang magsabi na mag-akusa pero kinakailangan mo na suportahan yung naibabang ibidensya ngayon kung pinagtahi-tahi mo itong lahat na tinatawag na circumstancial evidence. Eh hindi pa rin sapat para ma overcome yung ‘presumption of innocence’ dun sa akusado ay hindi pwedeng ma-convict ang mga akusado dahil lang sa ganung klase ng ebidensya ganun po ang nangyari dito,” ayon kay Atty. Buenaventura Miranda.

Ayon kay Sandra Cam, hindi siya makapaniwala na sa kabila ng ginagawa niyang pagtulong sa gobyerno ay mabibiktima siya ng paninira dahil sa politika.

“Bilang presidente ng Wistleblower Association of the Philippines laban sa ating katiwalin sa gobyerno, hindi ko akalain na sa pagtulong sa kapwa ko at laban sa kurap officials ng gobyerno, ako na si Sandra Cam ay magiging biktima ng matinding injustice, sinampahan kami ng kasong murder na non-bailable offense based on fabricated and tramp charges,” saad pa ni Cam.

Matatandaan na sinampahan ng kasong murder sina Sandra Cam, anak nito kasama ang anim na iba dahil umano sa pagpatay kay Batuan Masbate Vice Mayor Charlie D. Yuson III noong October 9, 2019 sa isang kainan sa Sampaloc Manila.

Dahil sa naturang kaso ay halos 2 taon itong nakakulong sa PNP Costudial Center.

Politika rin ang nakikita niyang dahilan ng pagpatay sa dating bise alkalde ng Batuan Masbate.

 “Itong pagpapakulong sa amin hindi to Yuson, actually meron itong mga nasa likod, unang-una alam nyo naman I was very vocal sa PCSO ng corruption so may mga nasa likod,” aniya pa.

Ngunit kahit nakamit na ni Sandra Cam ang kalayaan at hustisya ay hindi pa rin ito mapanatag dahil sa mga death threat na kaniyang natatanggap.

“Actually I already prepared a letter to Director Yara, ipapadala ko na po dun, dati naman akong may security ever since. Hindi lang ako pati pamilya ko nakatanggap na ng mga threats specially to me and to my son, I’m hoping that the Chief PNP will give me security for my safety,” dagdag ni Cam.

Tungkol naman sa tanong kung bubweltahan ba nila ang kampo nina Yuson ,sinabi nito na bahala na ang kanyang mga abogado.

 “Una nakikiramay ako sa pagkamatay ni late Vice Mayor Charlie Yuson pero sana matumbok nyo ang tunay na salarin, wag kayo basta na lang natuturo at gagamit ng mga witnesses, paid witnesses para lang ituro kami sa political advancement nyo. Pinapatawad ko kayo pero kaakibat din para sa mga nag witness nang mali-mali, gawa-gawa na salita na kesyo ganito, kesyo ganyan. May ide-discuss po ako sa aking mga abogado kung ano ang next move namin dun pero I repeat nakikiramay ako sa pagkamatay ni Vice Mayor Bujie Yuson at sana mahanap nyo ang tunay na salarin,” ayon pa kay Cam.

Sa huli, nilinaw ni Cam na wala siyang hinihinging anumang pwesto sa pamahalaan ngunit handa umano itong tumulong upang mahuli ang mga kurap na nasa gobyerno at tulungan ang mga napapakulong nang walang sala.

Follow SMNI NEWS in Twitter