INATASAN ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. ang lahat ng police units na bantayan ang posibleng profiteering, hoarding at unfair trade practices sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief PB Gen. Redrico Maranan na bahagi ito ng relief operation and preparedness plan ng PNP sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Egay.
Ayon kay Maranan, pinatutulong din ang police units sa local government units (LGUs) at Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapatupad ng price freeze.
Pinasisiguro din ni Acorda ang suplay ng pagkain sa mga “food bank” ng pulisya.
Gayundin ang pagpatutupad ng “Adopt a Region” kung saan ang National Capital Region-Police Region Office (NCR-PRO) ang tutulong sa PRO-1, ang PRO-3 ang aalalay sa PRO-2, at ang PRO-4A ang susuporta sa PRO-Cordillera sa paghahatid ng tulong sa mga apektadong lugar.
Inihahanda rin ng PNP Special Action Force (SAF) ang kanilang desalination machine para magbigay ng malinis na inuming tubig.
Habang ang PNP Highway Patrol Group (HPG) at Philippine National Police (PNP) Maritime Group ang titiyak sa magiging maayos ang transportasyon at pamamahagi ng relief goods.