Programang legal, medikal, at iba pa para sa mga PDL sa Bilibid, isinagawa

Programang legal, medikal, at iba pa para sa mga PDL sa Bilibid, isinagawa

SINABI ng Bureau of Corrections (BuCor), lubos nilang sinusuportahan ang mga programa ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Bilibid, na isinagawa ngayong Lunes, Oktubre 28 at nakatakda ring isagawa sa Nobyembre 19, at Disyembre 9.

Upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga kalahok sa programa, nagtalaga si BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ng isang opisyal na magbabantay sa New Bilibid Prison.

Sinabi ni Catapang, ang pagtutulungan ng dalawang ahensiya ay sumasalamin sa iisang layunin na tiyakin ang pagiging patas at makataong pagtrato sa lahat ng indibidwal sa ilalim ng pangangalaga ng prison system.

Ang mga nakatakdang pagbisita ng PAO ay nagpapakita ng kanilang patuloy na pagsisikap na tugunan ang mga hamon na kinakaharap ng mga PDL.

Nagbibigay ito ng pagkakataon para makipag-ugnayan ang PAO sa mga bilanggo, masuri ang kanilang mga legal at medikal na pangangailangan, at magbigay ng kinakailangang tulong upang mapabuti ang kanilang sitwasyon.

Sabi rin ng BuCor chief sa pamamagitan ng pagtugon sa problema ng sobrang dami ng bilanggo at pagbibigay ng legal at medikal na tulong, nakakatulong ang PAO sa pagtataguyod ng mas rehabilitatibo at makataong kapaligiran para sa mga PDL.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble