IPINALIWANAG ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kong ano nga ba ang totoong tungkulin ng mga pulis sa war-on-drugs campaign ng administrasyon.
Kasunod ito sa mga ulat na hindi maayos na naisasagawa ng pulisya ang kanilang gawain dahil takot itong malabag ang anumang nakasaad sa human rights.
Ayon pa sa Pangulo sa isinagawang exclusive interview nito kasama si Pastor Apollo C. Quiboloy, marami rin sa kanila ang takot na isagawa ang kanilang tungkulin dahil sakaling sampahan sila ng kaso, hindi sila binibigyan ng abogado ng pamahalaan.
Karamihan pa, habang hinahain ang kaso laban sa mga ito ay tinanggal na sila sa kanilang mga trabaho na syang nagreresulta sa problemang pinansyal ng kanilang pamilya.
Dahil dito, binigyang-diin ni Pangulong Duterte na huwag silang matakot gawin ang nararapat sa laban kontra iligal na droga.
Basta nakasunod lang sa batas aniya ang kanilang pagsasagawa sa mga operasyon ay handa siyang suportahan ang mga ito anuman ang mangyari.
‘’Kaya, takot sila pagka kaso, hindi alam kung saan magpunta, ang ginawa ko, sabi ko, I will stand by your side. Trabaho lang kayo. Perform your duty in accordance with law,’’ saad ni Pangulong Duterte.
Ngunit ayon kay Pangulong Duterte, dismayado sya sa mga pulis na nasasangkot sa mga iligal na aktibidad lalong-lalo na kung sa droga.
Gaya na lang aniya kay retired Police General Mayor Vicente Loot ng Daanbantayan, Cebu.
‘’And one of them, he keeps on denying is Mayor Loot of Daanbantayan, Cebu. Sinasabi ko sa kanya, “ikaw durugista ka na heneral, tarantado ka. Ngayon, tatakbo ka, Mayor na naman, manalo ka kasi marami ka nang pera. But you were once upon a time, I think na RD ka, regional director ng PNP sa Cebu. Kayo ‘yung naglaro doon. Nakakahiya ka. Heneral ka na torpe. Siguro, lahat ng lupa diyan sa Daan, Bantayan, nabili mo na,’’ paliwanag ni Pangulong Duterte.
Maliban pa kay Loot ay pinaniniwalaan ring sangkot sa kalakaran ng iligal na droga si dating PNP Deputy Director General Marcelo Garbo Jr.
‘’Oo, opisyal man nila ito. Garbo. Panahon pa ni Mar Roxas, itong Garbo na ito diyan sa Malacañang palagi, sumasama na ‘yan. Paano mo masulbad ‘yung problema na ‘yan,’’ dagdag nito.
Naibahagi na rin ni Pangulong Duterte na hindi nya pala matatapos ang laban na ito sa loob ng anim na buwan gaya ng una nyang ipinangako dahil sa police generals na kagaya ng dalawang nabanggit.
Samantala, muling binalaan ni Pangulong Duterte ang sinumang sasali sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.
‘’Do not destroy my country and do not destroy the lives of our children. ‘pag hindi nila nasunod ‘yan, magkaproblema tayo. Kaya dito sa Davao, marami rin, patayin ‘yung bata, kaya sinabi ko do not destroy my city and do not destroy our children with drugs because I will kill you,’’ ayon sa Pangulo.