HABANG papalapit ang Kapaskuhan, nadadagdagan ang bilang ng mga sasakyan sa Metro Manila ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Batay sa monitoring ng MMDA, 20% hanggang 30% ang itinataas sa bilang ng mga sasakyan tuwing holiday season.
Kaya ang ahensiya, pinaghahandaan na ito.
Bukod sa pagbabago sa operasyon ng mga mall sa Metro Manila at pagbabawal sa pag-aayos ng mga kalsada sa panahon ng Kapaskuhan, nakikipag-ugnayan na ang MMDA sa Department of Transportation (DOTr).
Ito ay upang matiyak na handa ang public transportation system na i-accommodate ang mga commuter sa inaasahang paglala ng daloy ng trapiko.
“Kausap ko si Usec. Cesar Chavez at DOTr Secretary Bautista, nakahanda naman ang MRT natin at LRT sa influx ng mga pasahero. Magaganda na ‘yung mga bagon natin at ‘yung ating bus carousel ay very efficient,” ayon kay Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
Bukod sa bus carousel, MRT-3 at LRT, hinikayat din ng MMDA ang publiko na tangkilikin ang libreng sakay sa Pasig River Ferry Service.
“’Yung aming Pasig River Ferry ay libre, convenient, walang traffic. Ang ating Pasig River ay na-improved na ang quality ng water. Hindi na siya maamoy,” ani Artes.
Nobyembre 13, ipatutupad ng MMDA ang lahat ng mga plano nila para maibsan ang bigat ng daloy ng trapiko sa nalalapit na holiday season.